Sa layuning magabayan ang mga karaniwang mamamayan, ang City Solid Waste Management Office sa pangangasiwa ni Engr. Ruel J. Dequito ay nagpapaalaala sa lahat na umiwas na magsunog ng basura, sapagka’t may mga kapinsalaang naidudulot ito sa tao, tulad ng pagkakaroon ng sakit na kanser, karamdaman sa puso, hindi maayos na kalalagayan ng hormone, mga kapinsalaan sa pangangatawan, kasama na ang depektosong paglilihi at panganganak. Ito ang dahilan na ang Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources ay may mga pagkakataong nagtataguyod ng mga talakayan na ang pinagtutuunan ng pansin ay ang “Bantay Sunog Basura”, na umaalinsunod sa nilalayon ng Ecological Solid Waste Management Act of 2000 o Batas Republika Bilang 9003.
Sang-ayon kay Engr. Ruel Dequito, malinaw sa depinisyong internasyona na ang basura o solid waste ay ang mga hindi likidong nalalabing materyal na nagmumula sa mga tahanan, at bunga ng operasyon ng ano mang uri ng industriya, pangangalakal, at pagmimina. Kasama rin sa kinikilalang basura ang mga nawawalis na kalat o dumi sa mga lansangan, parke, at ang mga nalalabing kagamitan kung nagpapaganda ng kaayusan ng kapaligiran o landscape maintenance, at siyempre pa, ang mga natutumbang kahoy at nawawasak na istraktura kung nagkakaroon ng mga pagbagyo at paglindol.
Ipinaaalaala ni Dequito na ang Bantay Sunog Basura ay isa sa mga pangunahing palatuntunan ng Environmental Management Bureau, upang malawakang mahikayat ang mga mamamayan na huwag magsunog ng basura, sapagka’t ito ang pangunahing dahilan na patuloy na tumataas ang temperatura ng daigdig, na ito ay tungo sa kapariwaraan ng tao. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment