San Pablo City - Noong nakaraang Huwebes ng umaga, Disyembre 30, 2010, ay sinimulan sa ganap na ika-7:30 ng umaga ang palatuntunan sa paggunita sa ika-114 taon ng pagka-martir ni Dr. Jose P. Rizal na nagging dahilan upang siya ay kilalaning pambansang bayani...
Sinimulan ang palatuntunan sa pamamagitan ng isang dasal-awit o doksolohiya, na sinundan ng pambansang awit na parehong pinangunahan ng San Pablo Central School (Teachers) Chorale. Si former Vice- Mayor Palermo A. Bañagale na ngayon ay Pangulo ng San Pablo Historical Society ang nagbigay ng pambungad na pananalita, na sinunda ng pagpapaliwanag ni Dr. Enric T. Sanchez, City Schools Division Superintendent, sa kahulugan at kabuluhan ng pagdiriwang tungo sa katatagan ng hinaharap ng bansa.
Sina Konsehal Arnel C. Ticzon, Gueren Jon M. Amante, at Edgardo D. Adajar ay binigyan din ng pagkakataong makapagpaabot ng kanilang pagpapahalaga sa kadakilaan ng araw ng iyon.
Samantala si Assistant Provincial Prosecutor Florante D. Gonzales, bilang isang kasapi ng Malinao Lodge No. 25 ng Kapatiran ng mga Mason sa Pilipinas ay ipinaunawa sa lahat kung ano ang katotohanan sa Masoneriya. Ipinaalaala niya ang Masoneriya, na kinabilangan ng mga Makabayang sina Jose P. Rizal, Andres D. Bonifacio, Emilio F. Aguinaldo, Marcelo H. Del Pilar, at marami pang ibang ang pangalan ay hindi na napatala sa mga aklat ng kasaysayan, ay hindi isang sekta ng pananampalataya, sapagka’t ito ay isang organisasyon ng mga kalalakihang nagkukusangloob na makapaglingkod sa kanilang kapuwa, subali’t wala silang pananaw tungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan, sa halip ay iginagalang nila ang paniniwala ng lahat, ano man ang pamamaraan ng kanilang paggalang at pagpapahalaga sa pinaniniwalaan nilang Makapangyarihang Hindi Nakikita.
Si Vice Mayor Angelita E. Yang ang kumatawan upang iparating ang mensahe ni Punonglunsod Vicente Amante na nagpahayag ng pasasalamat sa pambansang bayani na nagsilbing inspirasyon para sa mga lider pamayanan noon upang upang mapagmalasakitang matamo ng bansa ang kalayaan magkaroon ng maningning na bukas ang mga sumunod na henerasyon.
Ang ikalawang bahagi ay ang pagaalay ng bulaklak sa paanan ng bantayog ni Dr. Jose Rizal na pinangunahan ng mga pinunonglunsod ng San Pablo na sinundan ng mga lider ng iba’t-ibang samahang sibiko, organisasyon sa paglilingkod, at kilusang relihiyoso.. (CIO by Queenie & Lee Ann)
Comments
Post a Comment