Ang mga tauhan ng National Statistics Office (NSO) ay kasalukuyang abala sa paglikom ng datos na naaukol sa kalagayan ng trabaho ng bansa na tinatawag na Labor Force Survey (LFS).
Ang LFS ay naglalayon na makakuha at makaipon ng impormasyon buhat sa mga miyembro ng sambahayan na nauukol sa demograpiya at panlipunang katangian ng populasyon. Pangunahing layunin ng LFS ay upang mataya ang bilang at daloy ng may trabaho o walang trabaho sa bansa na nasa idad buhat labinglima pataas.
Mahalaga ang datos ng LFS sa pagpaplano o pagbabalangkas ng polisiya at pagbabantay ng galaw ng trabaho tungo sa pagtuklas ng mga oprtunidad na makakaambag sa paglikha ng iba pang uri ng hanapbuhay upang mabawasan ang bilang ng walang trabaho sa bansa. Ginagamit rin ang datos ng LFS para maging basehan sa pagtataya ng bilang ng empleyado na kakailanganin sa pagtugon ng pagsasanay na lilikha ng iba pang uri ng hanapbuhay. Ginagamit din ang LFS bilang sukatan ng datos ng employment, unemployment at underemployment (mga trabaho na kulang sa hinihingi sa itinakdang oras ng paggawa) na naaayon sa kabuhayan, panlipunan at kultura ng populasyon.
Isinasagawa ang LFS tuwing ikatlong buwan ng taon sa piling sambahayan ng isang barangay. Sa lalawigan ng Laguna, may 1,096 na bilang ng sambahayan na nasasakupan ng 62 barangay ang tatanungin ng mga tauhan ng NSO.
Di dapat mabahala ang sinumang mapiling sambahayan ng NSO dahil ito ay nasa ilalim ng mandato ng Commonwealth Act 591 at Executive Order No. 121 na binibigyan ng karapatan ang mga tauhan ng NSO na magsagawa ng LFS at sila din lamang ang may karapatang makaalam ng nalikom nilang impormasyon. Kaya nga hinihiling ni Provincial Statistics Officer Magdalena T. Serqueña, puno ng NSO-Laguna, ang pakikipagtulungan ng mga napiling sambahayan upang makatiyak na tama at napapanahon ang datos na malilikom buhat sa kanila. (NSO-Laguna)
Comments
Post a Comment