Bilang tagapangulo ng Committee on Women and Family Relations, nagpapaalaala si Senior Board Member Karen C. Agapay sa mga magulang, lalo na sa mga ina ng tahanan, na ugaliin ang pakikinig sa Himpilang DZEC (1062 Khz) ng Eagle Broadcasting Corporation dahilan sa dito ay laging tinatalakay ang mga pamamaraan o ang mga pagpapayo para sa ikatatatag ng bawa’t sambahayan.
Sumasaihimpapawid mula sa ika-4:00 ng umaga hanggang sa ika-12:00 ng hatinggabi, dito ay karaniwan ding nagpaparinig ng mga pagpapayong pangkalusugan, at mga paalaala tungo sa ikapagkakaroon ng karagdagang mapagkakakitaan ng isang sambahayan, mga pagpapayong angkop-na-angkop para sa kalalagayan ng mga sambahayan sa mga kanayunan dito sa Lalawigan ng Laguna, at maging sa maraming bahagi ng mga Lalawigan ng Quezon at Batangas, kung saan malakas ang signal ng nabanggit na himpilan.
Isa namang may mataas na tungkulin sa Philippine Information Agency (PIA) na nakatalaga rito sa Katimugang Tagalog ang nagsabing ang Radyo DZEC ay mabuting pakinggan ng mga journalism or communication students sa dahilang ito ay halimbawa ng isang himpilang sumusunod sa Code of Ethics for Broadcast Journalists, lalo na pagsisikap ng mga kagawad ng kanilang reportorial team na huwag na ibalita ang isang ulat kung ito ay walang malinaw at mapanghahawakang batayan, at iniiwasan din nila ang pagawa sa mga balitang kahindikhindik o sensational. (BENETA News)
Comments
Post a Comment