Ang San Miguel Beer na bahagi na ng kultura at pagpapahalaga ng mga Pilipino, ay ganap ng 117 taon na pinoproseso sa Pilipinas at ipinamamahagi sa pamilihang lokal sa darating na Setyembre 29, 2007, o kung hihiramin ang paglalarawan ni Pangalawang Pangulong Sandy Belarmino ng Seven Lakes Press Corps ay “labingdalawang dekada nang pampasigla sa mga Pilipino.”
Sang-ayon kay Advocacy Officer Mac C. Dormiendo ng San Miguel Corporation, ang orihinal na cerveza ay sinimulang iproseso sa isang maliit na paggawaan sa Distrito ng San Miguel sa Maynila, sa isang loteng halos ay kabalantay ng loteng kinatatayuan ng Palasyo ng Malacañang, simula noong Setyembre 29, 1890, at dito nagsimula ang paglikha pa ng maraming uri ng naging popular o palasak na inuming may alkohol na nakatutugon sa panglasang Pilipino, at napapanatili ang liderato ng korporasyong nangangasiwa sa paggawaan sa larangan ng industriya ng inumin, hindi lamang dito sa Pilipinas, kundi sa buong daigdig.
Sa isang nalathalang ulat kamakailan, nabatid na ang paggawa ng cerveza ang puso ng operasyon ng San Miguel Corporation, at ang San Miguel Beer, kasama ang iba pang kilalang inuming may tatak ng San Miguel, ang nanghahawak sa 90% ng pamilihan ng inuming may alkohol sa bansa, at ito ay isa sa tatlong pinakamabiling cerveza sa Asia.
Sang-ayon sa isang food technologist na nagtuturo sa University of the Philippines sa Los Baños, ang San Miguel Beer ay may sangkap na tinatawag ng mga nasa industriya ng inumin na “hops” na nagbibigay ng natatanging lasa sa inumin, at napansin ng mga mananaliksik sa bansa at maging sa labas ng Pilipinas, na ang “hops” ay nagpapasigla sa pantunaw ng pagkain, at nakakapagpagana pa.
Sa isang tulang epiko na sinulat ng makatang si Romeo “Palasig” Evangelista, ang kasalukuyang Chairman of the Board of Directos ng Seven Lakes Press Corps, napalarawan ang naging bahagi ng Cerveza San Miguel upang ang liderato ng Katipunan ni Andres Bonifacio sa Maynila ay makapangalap ng mahahalagang impormasyon mula sa mga kawal ng Kastila. Noon, kung hapon, sa mga pundahang malalapit sa cuartel ng mga kawal, ay karaniwang masayang nagkukuwentuhan ang mga opisyales ng militar tungkol sa kanilang mga naging karanasan sa maghapong pagtupad ng tungkulin, na hindi nila namamalayang ang mga tagapagdulot o serbedor ay mga Pilipinong pinagtitiwalaan ng mga katipuneros na mangalap ng impormasyon mahalaga para sa pagpaplano ng pakikipagdigma laban sa mga dayuhang mananakop sa ikapagtatamo ng kalayaan ng kapuluan. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment