ALAMINOS, Laguna – Sa dahilang ang pangunahing suliranin sa kasalukuyan sa bayang ito ay ang kahirapan, sa pagdiriwang ng ika-110 anibersaryo ng pagkapagpahayag ng kalayaan ng bansa, ipinahayag ni Mayor Eladio M. Magampon na binibigyang-sigla ng pangasiwaang lokal ang Palatuntunang Taniman sa Barangay na pinaglaanan ng pondong P1-milyon ni Congresswoman Ma. Evita R. Arago para pagkunan ng ipagkakaloob na cash prizes sa mga magsisipagwaging kalahok na barangay, organisasyon ng magsasaka, at indibidwal na magtatanim. Ang kakailanganing pondo para sa pagbili ng binhi ng 15 uri ng gulay na itatanim ay inilaan ng pangasiwaang lokal. Ito ay taniman para sa kalusugan.
Ayon kay Municipal Agriculturist Gladys de Villa Apostol, ang IVY-ELADIO ay acronym para sa “In View of the Youth, and Enhance Local Agricultural Designs with Integrated Opportunities” na ipatutupad na may pakikipag-ugnayan sa FAITH Food Program ni Gobernadora Teresita S. Lazaro, at ang implementasyon ay tatagal hanggang sa huling araw ng darating na Buwan ng Setyembre. Dahilan sa mga pangunahing layunin ng palatuntuman, ito ay ipinatutupad bilang “IVY-ELADIO Taniman para sa Kalusugan.”
Nauna na, si Gobernadora Teresita S. Lazaro ay nagpadala ng 32 yunit ng chemical sprayer para gamitin sa pagpuksa ng mga pesteng inaasahan maninira sa mga itatanim na gulay, sa pasubaling ang mga magsasaka ay gagamit lamang ang rekomendadong insecticide ng Department of Agriculture.
Sa ikasisigla ng IVY-ELADIO Food Enhancement Program, na isang kompetisyong pangmagkakaibigang mga magsasaka, ang barangay na mangunguna sa first and second evaluation ay pagkakalooban ng gantimpalang P50,000, at ang kikilalaning grand prize winner ay tatanggap ng P300,000-worth of barangay project; ang first runner-up ay pagkakalooban ng P200,000-worth of barangay project; at ang second runner-up ay magtatamo ng P100,000-worth of barangay project.
Ang magsisipagwagi sa Paligsahang Pinaka ay pagkakalooban ng cash prize na P1,000 bawa’t isa, at ang organisasyon ng magsasaka na magtatamo ng pakilala ang inilahok nilang proyekto ay magtatamo rin na cash prize na kaloob ng tanggapan ni Congresswoman Ivy Arago.
Sa kanyang talumpati sa palatuntunang ginanap sa paanan ng bantayog ni Dr. Jose P. Rizal, ipinaalaala ni Mayor Eladio M. Magampon na ang isa sa mahalagang bunga ng pagkapagpahayag ng kalayaan ng bansa, ay ang pag-iral ng gobyernong republikano na naninindigan sa pagkakaloob ng kalayaan sa pananampalataya at pamamahayag.
Gayon pa man, ipinapansin ni Mayor Magampon na ang bawa’t kalayaan ay may limitasyon, upang umiral ang disiplina, kaya hindi siya nagdaramdam na ang kanyang pangasiwaan ay punahin, lamang, sana ay gawain ang pagpuna ng may panangutan at salig sa umiiral na pagpapahalaga ng mga Pilipino. Sana, kung napapansin ang mga kamalian, ay pansinin din ang mga kapuripuring nagawa ng mga pinunong bayan.
Winakasan ni Dr. Magampon ang kanyang mensahe sa pagpapahayag na,. “Punahin ako kung ako ay nagkukulang, at ang mali ay ating itatama.” (RET)
Comments
Post a Comment