P O P T A L K . . . . .
Ni Ruben E. Taningco
Sa mga ulat na sa panapanahon ay ipinalalabas ng World Health Organization (WHO), ay karaniwang binabanggit na tauntaon ay umaabot sa 1.6-milyon ang bilang ng mga batang wala pang limang (5) taong gulang ang namamatay dahil sa pneumococcal disease (PD) o ang kilala rito sa Pilipinas na pulmoniya o kung ang ulo ang sumasakit ay meningitis.
Ang pulmoniya ay bunga ng pagkakaroon ng koloniya isang uri ng bacteria na kinikilalang Streptococcus pneumoniae o pneumococcus sa daanan ng hininga na lubhang nakakaapekto sa kalalagayan ng baga na nagiging sanhi ng kamatayan. Ito ay naihahawa o naililipat sa mga nakakatabing sambahay o kasamahan sa isang lugar sa pamamagitan ng pagbahin, pag-ubo o lubhang malapitang pagtatabi, na bagama’t ito ay kinikilalang isa sa pangunahing sakit sa mundo na nagiging sanhi ng kamatayan, lalo na sa mga batang wala pang limang (5) taong gulang, dito sa Asia Pacific Region ay hindi pa nababatid na ito ay madaling maiiwasan sa pamamagitan ng isang uri ng bakuna, ang pneumococcal conjugate vaccine na nagbibigay ng proteksyon laban sa pito (7) sa mga pangunahing sakit na pinagtutuunan ng pansin ng nabanggit na nalikhang bakuna. Sa North America, Oceania, Europe at Middle East ay malawakan na itong ipinagkakaloob sa mga bata at kapansinpansin ang pagiging ligtas ng mga bata
Sa isang Science Writers’ Seminar na ipinag-anyaya ng Geiser Maclang Marketing Communications, Inc. na ginanap sa Maynila, nabanggit ni Dr. Jaime A. Santos, Chairman of the Department of Microbiology and Section of Parasitology sa OLFA’s College of Medicine, dito sa Pilipinas, nagging kapansinpansin ang pagiging epektibo sa mga bata ng pneumococcal conjugate vaccine, na tinatawag ng mga manggagamot na “PCV7 (Prevenar)”. Gayon pa man, nabanggit ng kilalang manggagamot na ito ay may kamahalan kaya hindi pa ito makayanan ng pamahalaan na mipagkaloob ng walang bayad. Katunayan nito, may ulat ang Department of Health, na sa mga bansang kaanib ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), ay walang local government unit (LGU) na may palatuntunan ng pagkakaloob ng walang bayad na PCV7 (Prevenar) liban sa Lunsod ng Pasig sa Metro Manila na sinimulan nila nitong taong kasalukuyan, at tila iilan pa ang pediatrician o manggagamot na ang konsentrasyon ng panggagamot ay sa mga sanggol at bata, na may kasanayan sa pagkakaloob nito.
Dito sa San Pablo City, tulad din sa Angeles, Baguio, at Metro Manila, ang halaga ng pagpapaturok ng PCV7 (Prevenar) ay mula sa P4,500 hanggang P5,500 bawa’t pasyente, kaya may mungkahi ang ilang punong barangay sa Alaminos na sana ay pagtutunan ng pansin ng mga mambabatas ang mga pamamaraan para ang PCV7 (Prevenar) ay maipagkaloob ng pamahalaan na walang bayad.
Comments
Post a Comment