Nang si Koronel Tristan Mendoza Kison, ang bagong talagang commanding officer ng 202nd Infantry Brigade na may punong himpilan sa Barangay Antipolo, Rizal, Laguna, ay hilingan ni Mayor Vicente B. Amante na magbigay ng maikling pangungusap sa flag ceremony sa City Hall noong nakaraang Lunes ng umaga, kanyang binanggit na ang pangunahing misyon sa kasalukuyan ng Philippine Army dito sa CALABARZON Area ay hindi ang komprontahin ang mga armadong kilusan na kumikilos dito sa mga Lalawigan ng Laguna at Quezon, kundi upang mapangasiwaan ang pagkakaroon ng isang kalalagayang magbibigay daan upang maipatupad ng pamahalaan ang mga palatuntunang pangkaunlaran para sa kagalingan ng mga mamamayan.
Halimbawa, sa dako ng Infanta at Real sa Quezon ay upang maging panatag ang mga kontratistang nagpapaunlad ng seksyon ng pambansang lansangan doon, sa mga bayang bumubuo ng 4th Congressional District ng Laguna ay ang pagpapaunlad ng mga farm-to-market road upang maging magaan ang pagdadala ng mga ani sa mga kanalyunan sa pamilihan, at may mga lugar na ang kanilang ginagampanan ay ang pag-uugnay-ugnay ng paghahatid ng mga paglilingkod na pangkalusugan sa mga liblib na pamayanan. Ang Philippine Army ay aktibo rin sa implementasyon ng mga palatuntunang magpapaunlad sa kapaligiran, tulad ng reforestation program, and environmental sanitation.
Ang 202nd Infantry Brigade ay mayroon mga oprganisadong grupo na may kakayanang maghatid mga pangkagipitang tulong, tulad ng mga rescue operations sakali’t may mga kalamidad na nagaganap sa sakop ng lawak ng kanilang pananagutan.
Hindi nakaligtaang banggitin ni Koronel Kison ang kanyang pananaw sa One Stop Processing Center na ipinatayo ni Alkalde Vicente B. Amante, kung matatamo ang kabuuang paglilingkod sa isang nangangailangang mamamayan, o pakikipag-ugnayan o transaksyon sa pangasiwaang local, ito ay kasingkahulugan na ang pangasiwaang lunsod ay kabalikat ng pambansang liderato sa pagpapatatag ng bansa. (RET)
Comments
Post a Comment