Sa kasalukuyan, ang dalawang kapulungan ng Kongreso ay kumikilos upang masugpo ang paglaganap ng mga hindi lisensyadong baril, at ng mga laruang baril na ang kayarian ay katulad o kawangis ng mga tunay na baril sang-ayon sa ulat na inilathala ng Manila Standard Today noong Miyerkoles ng umaga.
Muli ang Senado ay nagpatibay ng isang panukalang batas na maglalapat ng higit na mabigat na parusa sa mga mararapatang nag-iingat ng walang lisensyang baril, at mga magsisipagbenta ng baril, bala, at paputok. Ang Malaking Kapulungan naman ay muling nagpaalaala sa Department of Trade and Industry, Department of the Interior and Local Government, at Department of Finance upang masugpo ang pagpasok ng mga replica ng baril, lalo na yaong nakakatulad ng assault weapon. Ito umano ay upang masugpo ang mga krimeng ang nagsasagawa ay pawang nagsisipagtaglay ng baril, na maaaring dahil sa takot, ay hindi napapansin ng mga biktima na ang ginamit na pantakot ay laruan lamang.
Nagugunita nina dating Punong Barangay Macario P. Almario ng Barangay San Pedro, at Punong Barangay Conrado L. Samsaman ng San Joaquin, na noong pang Pebrero ng Taong 2002 napagtibay sa mungkahi at pagtataguyod ni ABC President Gener B. Amante ng Sangguniang Panglunsod ang isang kautusang nagbabawal ng paggawa, pag-iingat, pamamahagi, pagbibili o pangangalakal ng mga laruang baril na kawangis ng mga tunay na baril, lalo na yaong may mga sangkap na gawa sa metal.
May mga natipong ulat si Konsehal Amante na may mga paltik na kalibre .22 na di-umano ay ginamit sa ilang patayang naganap dito sa mga Lalawigan ng Laguna at Quezon na yari mula sa laruang baril na kawangis ng rebolber na may tubong yari sa metal.
Ang nabanggit na Gener Amante authored ordinance ang batayan ni City Administrator Loreto S. Amante upang tuwing sasapit ang buwan ng Hulyo ay magsagawa ng information education campaign upang paalalahanan ang mga negosyante sa lunsod na huwag isasama ang mga laruang baril sa kanilang binabalak itinda sa pagsapit ng panahon ng kapaskuhan, sapagka’t may kapangyarihan ang kapulisan, at ang mga tauhan ng Department of Trade and Industry na ito ay kumpiskahin. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment