CALAUAN, Laguna - Umabot sa kabuuang 2,771 katao ang napaglingkuran ng medical mission na itinaguyod ng Tanggapan ni Congresswoman Ma. Evita R. Arago sa dalawang barangay dito noong nakaraang Biyernes, Setyembre 4, 2009 sa tulong ng isang pribadong grupo ng mga manggagamot at mga para-medical personnel na inanyayahan para matiyak na maayos na maisasagawa ang sabayang pagkakaloob ng mga paglilingkod na medical, at pamamahagi ng angkop at sapat na gamot, sang-ayon kay ABC President Jaime P. Goyena Jr.
Sa pakikipanayam kay Goyena, na kasalukuyang punong barangay ng Barangay Lamot 2, ang isang grupo ng mga manggagamot ay naglingkod sa Barangay Dayap kung saan umabot sa kabuuang 1,596 may karamdaman ang natulungan, at ang isang pangkat ay sa Barangay Bangyas, malapit sa LLDA Compound, kung saan 1,175 katao ang nasuri at napagkalooban ng angkop na gamot.
Nabanggit naman ni Vice Mayor June Joseph F. Brion na ang 2,771 ay bilang ng mga nasuri at napagkalooban ng gamot ng Tanggapan ni Congresswoman Ivy Arago, at hindi kasama ang maraming parang naglalambing lamang na humiling na matingnan ang kanilang blood pressure, at mga matatandang idinaraing ang pananakit ng kanilang ruyuma. Ang iba naman ay suliraning legal at panglipunan ang idinulog, na hindi maiiwasang dahil sa ang populasyon ng bayang ito ay naging halo-halo ang pinanggalingan bunga ng pagkapaglipat dito ng maraming dating squatter sa Metro Manila, na hindi naman naging sapat ang tulong ng naghatid na ahensya ng pamahalaang pambansa, kaya ang maraming pananagutang panglipunan ay kinakailangang akuin ng pangasiwaang lokal.
Isang barangay treasurer ang nagkuwenta na sa professional fee na lamang na P100 bawa’t pasyente, at kung ang bawa’t pasyente ay pinagkalooban ng gamot na pinakamababa na ang P300, ang peso value ng naipagkaloob na paglilingkod ng medical mission ni Congresswoman Ivy Arago noong nakaraang Biyernes ay umabot sa kabuuang halaga na hindi bababa sa P1,108,400.00. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment