Ang Pangasiwaang Lunsod ng San Pablo, sa pakikipag-ugnayan sa DFA Regional Consular Office sa Lucena City, ay magtataguyod ng Mobile Passporting Service sa darating na Oktubre 24, 2009 sa One Stop Processing Center. Gayon pa man, ang lahat ng application forms ng mga interesadong humiling ng pasaporte ay dapat na maisulit sa Regional Consular Office sa o bago sumapit ang Setyembre 30, 2009.
Ang ipagkakaloob ay Machine Readable Passport, na ang halaga ay P750.
Sang-ayon kay Alkalde Vicente B. Amante, ang prescribed application form ay matatamo na sa Office of the City Legal Officer sa One Stop Processing Center kung saan doon din ito isusulit upang madala sa Lucena City.
Ang dapat ilakip sa application form ay apat (4) na kopya ng colored picture na passport size na may royale blue background, authenticated birth certificate, at magdala na rin ng dalawang (2) government-issued na identification card na makatutulong upang mapatunayan ang kanilang pagkamamamayang Pilipino.
Para sa karagdagang impormasyon kaugnay ng paghiling ng Machine Readable Passport, sinabi ni Mayor Vic Amante na ang mga interesado ay maaring magtanong sa City Legal Office upang sila ay maayos na magabayan. (Pedrito D. Bigueras)
Comments
Post a Comment