SAN PABLO CITY – Sa koordinasyon ng Embrace Foundation, na may pakikipagtulungan ng Junior Chamber International-San Pablo Seven Lakes, Philippine Band of Mercy, at City Health Office, ang Philip Morris Philippines Manufacturing, Inc. ay naghatid ng paglilingkod ng pagsusuring medical at dental sa mga Grade I Pupils ng San Pablo Central School noong nakaraang Martes, Setyembre 8, 2009, simula sa ganap na ika-8:00 ng umaga hanggang ika-12:00 ng tanghali, na ginanap sa Rizal Hall ng nabanggit na pinakamalaking elementary school unit sa lunsod na ito.
May mga batang matapos na masuri ay pinagkalooban ng mga vitamin, at ang iba ay sumailalim ng de-worming o pinurga sa bulate na ang ginamit na gamot at iba pang panustos sa panggagamot ay siyang ipinagkaloob ng Philip Morris Philippines Manufacturing, Inc. na kinatawan sa implementasyon ng palatuntunan ni Community Relations Manager Felizardo C. Mercado Jr. Si Gng. Analiza D. Banayo, punong guro ng paaralang sentral ang siyang sumubaybay para sa kaayusan ng pakikipagkita ng mga batang mag-aaral sa mga manggagamot at dentista.
Ayon kay Gng. Banayo, ang isinagawang medical and dental check up ay malaking tulong upang matiyak ang kalalagayang pangkalusugan ng mga Grade One pupils, upang ang nangangailangan ng tulong o tanging atensyon ay mapagkaloob ng tamang kagamutan at pagpapayong pangkalusugan.
Samantala, nabanggit ni Community Relations Manager Felizardo C. Mercado Jr. na ang palatuntunan ay naaayon sa paniniwala ng Philip Morris na ang korporasyong nakikinabang sa kanilang negosyo ay dapat na magbahagi ng kanilang tinatamong tagumpay at pakinabang sa pamayanang tumatangkalik ng kanilang kalakal o pinananahanan ng kanilang mga manggagawa o tauhan. Ang isang korporasyon ay may pananagutang panglipunan o corporate social responsibility.
Sapagka’t ang paghahatid ng mga paglilingkod na panglipunan ay may sariling kakanyaan, nabanggit ni Mercado na sila ay nakikipag-ugnayan at nagaabot ng pakikipagtulungan upang maipatupad ang kanilang layunin sa mga organisasyon sa paglilingkod tulad ng Rotary Club, at organisasyon sa pagsasanay para maging lider tulad ng Jaycee Club, gayon din sa mga organisasyon sa pagkakawanggawa tulad ng Philippine Band of Mercy na kaanib ng American Cleft Palate-Craniofacial Association sa Estados Unidos at Canada.
Ang Philippine Band of Mercy ay tumutulong sa mga mahihirap na Pilipino na isinilang na may kapansanang pisikal tulad ng cleft/palate harelips, at cataract and glaucoma sa bata, o apektado ng hydrocephalus at ng meningocele, paunawa ni Jun Mercado..
Bilang kabalikat ng Embrace Foundation, ang JCI-San Pablo Seven Lakes ay personal na pinangunahan ni Local Organization President Jose “Jojo” A. Agoncillo Jr., kasama sina Immediate Past President Normandy I. Flores, Club Secretary Angelo Cabrera, at iba pang tagapangulo ng iba’t lupon ng samahan. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment