Bilang isang dating naninirahan sa baybayin ng Lawa ng Laguna sa dako ng Muntinlupa, ang may akda o ulat nito ay nakasaksi sa kung papaano ang pangangalaga upang mapanatiling maganda at malinis ang kapaligiran ng kinikilalang pinakamalawak na lawa o dagat tabang sa Asia ay pinagsasakitan ni Pangalawang Pangulo at Kalihim ng Agrikultura Fernando Lopez, kaya noong 1965 ay nagkaroon ng mga pagdinig kaugnay ng isinasagawa ni Senador Wenceslao R. Lagumbay na isang panukalang batas para mapangasiwaan ang Laguna de Bay, at ito ay ang kilala ngayong Batas Republika Bilang 4850, o ang batas na nagtatatag sa Laguna Lake Development Authority (LLDA) at nagtatakda ng mga pananagutan nito, na ang pangunahin ay ang pagsasagawa ng pananaliksik at pagpapaunlad (reaserch and development).
Noon, ang average depth ng Laguna de Bay ay apat (4) na metro, at may mga lugar na halos ay pitong metro ang lalim, na kung kami ay sumasama sa panghuhuli ng ayungin sa pamamagitan ng panti ay karaniwang sa bahagi ng lawang aming pinamamangkaan kami kumukuha ng tubig na iniinum.
Noon, ang baybayin ng lawa mula sa San Pedro hanggang sa Pateros ay karaniwang pataniman ng gulay na ang pandilig ay mula sa lawa, at lawa rin ang paligawan ng mga may itikan. Ito ay palatandaan na ang lawa ay buhay-na-buhay.
Maganda ang layunin ng LLDA, subali’t sa aming pananaw ay hindi nagagampanan ng mga tauhan nito ang kanilang pananagutan, dahil sa higit na makapangyarihan ang mga negosyanteng nagsasamantala sa lawa, kaysa sa batas na nagtatakda ng pangangalaga sa lawa. Katunayan nito, higit na matataas ang kalibre ng baril ng mga guwardya ng palaisdaan kaysa mga armas na dala ng mga konstabularyo at pulis. Ang halimbawa ay ang mga fish pen na ipinatayo sa bahagi ng lawang sakop noon ng Lalawigan ng Rizal, 1976 pa kami nakakasama para babalaan ang mga fish pen operator, na iilan pa noon, na may limitasyon ang lawak ng palaisdaang dapat nilang itayo, at ang kalawakanng lawa ay dapat na malinis at walang sagabal para sa malayang pangingisda ng mga maliliit na mamamalakaya. Nakakasama pa namin noon si DPI-Region IV Director Ricardo V. Serrano, at Information Officer Joselito Atienza ng Lunsod ng Maynila na Pangulo ng Regional Association of Developmental Information Officer (RADIO).
Walang maayos na naisagawa ang LLDA para mapangalagaan ang kagalingan ng Laguna de Bay, kaya marami ang naniniwala na upang mapangalagaan ang kagalingan ng pitong (7) lawa sa Lunsod ng San Pablo, ang pagmamay-ari, ang pangangasiwa, at ang pagmamalasakit ay dapat na ibalik sa Pangasiwaang Lokal ng Lunsod ng San Pablo, mula sa Laguna Lake Development Authority. Kaya marami ang umaasa na muling ilalahad ni Congresswoman Ivy Arago-Gapit ang kanyang panukalang batas na sususog sa Batas Republika Bilang 4850 upang ang kapangyarihan at kapamahalaan sa pitong lawa ay mabalik sa pangasiwaang lokal. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment