CALAMBA CITY – Dahilan sa patuloy na may mga nakapapasok na itinitindang ibon na nabibilang sa ang lahi ay nanganganib na maubos o malipol, pamuling nagpapaalaala si Regional Executive Director Nilo B. Tamoria ng Department of Environment and Natural Resources-Region IV-A (CALABARZON) na mahigpit na ipinatutupad sa sakop ng pananagutan ng kanyang pinangangasiwaang rehiyon ang tadhana ng Batas Republika Bilang 9147, na lalong kilala bilang “The Wildlife Conservation and Protection Act of 2001” na ang layunin ay mapangalagaan ang buhay-ilang sa bansa.
Ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001 o RA 9147, ay isa sa mga magaganda at makabuluhang batas na pinagtibay ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ang layunin ay mapangalagaan ang katatagan ng lahi ng mga katutubong ibon at hayop sa mga kagubatan ng bansa. Ang batas ay nagbabawal din ng pagpapasok o pagpapakawala ng mga buhay ilang o wildlife na hindi likas sa pinangangalagaan kapaligiran upang mapangalagaan ang kadalisayan ng lahi ng mga katutubong ibon.
Nakatadhana sa batas ang kapangyarihan ng hukuman na ilapat ang pagkabilanggong hindi hihigit sa 12 taon sa mga lalabag nito, at ang multa ay maaaring umabot sa P1—milyon batay sa antas ng nagawang paglabag.
Samantala, sa pakikipanayam sa isang police chief superintendent kamakailan, kanyang ipinaalaala sa mga kasapi ng Seven Lakes Press Corps, na maging ang mga pribadong indibidwal ay may kapangyarihang makipagtulungan upang maayos na maipatupad ang tadhana ng Batas Republika Bilang 9147 sa pamamagitan ng pagpaparating sa pinakamalapit na tanggapan ng DENR, o sa mga estasyon ng pulisiya ng kanilang napapansing mga taong nangangalakal ng mga natatanging ibon, tulad ng mynah, loro, at mga hayop na hindi karaniwang nakikita sa pamilihan. Kanya ring ipinaalaala na ang pangangalaga sa buhay-ilang o wildlife, ay pangangalaga ng kapaligiran upang matiyak ang katatagan nito sa mga taong hinaharap.
Ang tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources-Region IV-A (CALABARZON) ay nasa DEMCRIS Business Center sa kahabaan ng national highway sa Barangay Halang, dito sa Calamba City. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment