Ilan sa opisina ng Lokal na Tanggapan ng Tagatalang Sibil o Local Civil Registry Offices (LCROs) sa Rehiyon IV-A (CALABARZON) ang pinarangalan ng Pambansang Tanggapan ng Estadistika o National Statistics Office (NSO) dahil sa maayos at natatanging serbisyo sa kanilang nasasakupan sa larangan ng pagtatalang sibil. Ayon kay Regional Director Rosalinda P. Bautista, mula sa extra large category, ang LCRO ng Batangas City ay nagkamit ng ikalawang karangalan. Ang lungsod ng Las Piñas ang nakakuha ng unang karangalan sa kategoryang ito. Dalawa pang siyudad sa rehiyon, ang Antipolo City at Trece Martires City ay kasama rin sa Top 10 sa kategoryang ito na nakuha ang ikatlo at ika-siyam na puwesto.
Sa large category, nanguna sa rehiyon ang General Mariano Alvarez (GMA) ng Cavite na nakamit ang ika-limang puwesto. Ang bayan ng Candelaria sa Quezon at Silang sa Cavite ang nakakuha ng ika-pito at ika-sampung puwesto. Nanguna sa kategoryang ito ang Laoag City ng Ilocos Norte.
Bukod sa nabanggit, ang Tayabas (Quezon) at Carmona (Cavite) ay nakuha ang ika-apat at ika-limang puwesto sa medium category. Ang Santa Cruz sa Marinduque ang nanguna sa kategoryang ito.
Ang pagbibigay ng parangal sa mga LCROs ay isinasagawa ng NSO tuwing magkakaroon sila ng National Workshop on Civil Registration (NWCR). Ang workshop na nabanggit ay isinasagawa kada dalawang taon. Nabanggit ni RD Bautista na ang huling NWCR ay ginanap sa SMX Convention Center, SM Mall of Asia noong buwan ng Agosto na may temang “Tamang Rehistro, Lahat Panalo.” Para sa karagdagang impormasyon magsadya sa opisina ng NSO Region IV-A sa Ground Flr. Bldg. C Fiesta World Mall, Maraouy, Lipa City o tumawag sa numero (043) 756-0412 o 404-1928. (NSO-CALABARZON/Charity O. Bautista)
Comments
Post a Comment