SAN PABLO CITY – Sa layuning mapatatag ang imbentaryo ng panlaang butil, at tuloy matulungan ang mga magtatanim ng palay sa Lalawigan ng Laguna, ang National Food Authority-Laguna Provincial Office sa pamamahala ni Provincial Manager Ramoncito H. Padilla ay naglunsad ng isang malawakang palatuntunan ng pamimili ng bagong anong palay tuwirang mula sa mga magtatanim simula noong nakaraang Buwan ng Oktubre, na ipagpapatuloy hanggang sa Buwan ng Disyembre sa halagang P17 bawa’t kilo na may insentibong P0.70 bawat kilo para sa paghahatid ng inaning palay sa buying station, pagtutuyo o pagbibilad upang ito ay magkaroon ng moisture content na hindi tataas sa 14 porsyento, at Cooperative Development Incentive Fee (CDIF).
Iniulat ni Padilla na noong nakaraang Buwan ng Oktubre, ang kanilang tanggapan ay nakapamili ng umabot sa 12,359 sako ng palay mula sa mga local farmers. Dati, ang NFA-Laguna ay hindi namimila sa mga magtatanim sa lalawigan sa dahilang ang Laguna ay hindi kinikilalang procurement area, sapagka’t naging kalakaran na ang mga palay producer rito ay sa mga pribadong negosyante nagbibili ng kanilang inaani.
Nabanggit ni Provincial Manager Ramoncito H. Padilla na siya ay nagagalak na marami ang nagbili ng kanilang ani sa NFA sa halagang mataas kaysa ipinagkakaloob ng mga pribadong negosyante, na titiyak na matutugunan ng ahensya ang pangangailangan sa butil ng mga naninirahan sa lalawigang ito, na ang natulungan pa ay ang mga lokal na magtatanim ng palay at siya ay naniniwala na ang palatuntunang ito ay makakapagpasigla sa mga magtatanim ng palay na pagsakitang maitaas ang antas ng kanilang ani, sa pamamagitan ng pagsunod sa tamang teknolohiya ng pagtatanim, sapagka’t nalalaman nilang matatag ang halaga ng palay na kanilang matatamo.
Kaugnay ng Palay Procurement Program na inilunsad ng NFA-Laguna, si Provincial Manager Padilla ay hiniling ang tulong ng mga local officials, kasama na ang mga pinunong barangay, sa lahat ng rice producing cities and municipalies na ibalita ito sa mga magtatanim ng palay sa sakop ng kanilang pamamahala, sapagka’t ito ay sa kapakinabangan at kagalingan ng lahat. (Annabell P. Oncinian)
Comments
Post a Comment