LOS BAÑOS, Laguna - May tema ang pagdiriwang na “Igniting Innovation Towards Technology Commercialization,” nakatakdang gunitain ng Philippine Council for Aquatic and Marine Research and Development (PCAMRD) ang kanilang ika-23 Anibersaryo ng Pagkakatatag sa darating na Enero 27 – 28, 2011 na gaganapin sa kanilang headquarters ditto na nasa kahabaan ng Jamboree Road sa Barangay Timugan dito, na inaasahang ang pang-alaalang palatuntunan ay dadaluhan nina Science Secretary Mario G. Montejo at AGHAM Partylist Representative Angelo B. Palmones bilang mga tanging panauhin sang-ayon sa pahayag ni Director Cesario R. Pagdilao, nananagutang pinuno ng Office of the Executive Director.
Ang pangunahing gawain sa unang araw ng pagdiriwang ay ang pagsasagawa ng isang Core Planning Workshop, at paghahatol sa mga kalahok sa taunang Aquatic Technology Competition (ATCOM), kaalinsabay ng pagtatanghal upang maipakilala ang mga bagong likhang kagamitan, instrumento, at makinarya na tutugon sa pangangailangan ng mga nasa industriya ng pangisdaan.
Ang groundfloor ng PCAMRD Headquarters Building ay sadyang desinyo para sa mga pagtatanghal ng mga artikulo o produkto ng kalakalan, paalaala ni Director Pagdilao.
Sa ikalawang araw ng pagdiriwang, o sa Enero 28, ay iuulat ni Director Pagdilao ang mga naisagawa ng kanilang ahensya sa Taong 2010, na susundan ng pagpapahayag ng mga magsisipagwagi sa The Best Research and Development Paper Awards, at sa Aquatic Technology Competition para sa Taong 2011, at ang pagkakaloob sa mga magsisipagwagi ng katibyan ng pagpapahalaga at papuri, na kalakarang may kalakip na cash reward. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment