SAN PABLO CITY – Pamuling nagpapaalaala si Engr. Ruel J. Dequito, hepe ng City Solid Waste Management Office, sa lahat ng negosyante sa lunsod na ito na huwag silang magbabayad ng ano mang bayarin sa mga tauhang nagpapakilalang taga-City Hall upang maningil ng garbage fee. Ang Tanggapan ng Ingat Yaman ng Lunsod ay walang pinahihintulutang maningil ng ano mang bayarin sa labas ng One Stop Prcessing Center, o mangulekta sa mismong tindahan o puwesto ng kanilang sinisingilan.
Sang-ayon kay Assistant City Treasurer Gerardo Ciolo, pag-alinsunod sa mga umiiral na alituntunin ng pamahalaang lokal, ay walang “collection of fee” ang dapat isagawa sa labas ng tanggapan ng kahero ng lunsod, sapagka’t walang pinuno ang dapat tumanggap at mag-ingat ng bayad para sa buwis at butaw (o taxes and fees), liban sa mga tauhang may piyansa o bonded fiscal officer, na ang lahat ng mga tauhang ito ay pawang nasa Window 3 and 4 sa One Stop Processing Center. Kaya ang lahat ng pagbabayad para sa mga bayaring nauukol sa City Government of San Pablo, ay dapat doon lamang isagawa upang matiyak na ang pondo ay mapapalagak sa “kaban ng lunsod.”
Hinihiling ni Engr. Ruel Dequito ang pakikipagtulungan ng lahat, lalo na ng mga pinunong barangay, na sila ay maging tagapagpaalaala sa kanilang mga kabarangay na ang City Hall ay walang pinahihintulutang maningil ng garbage fee na naglilibot sa mismong tindahan o puwesto ng kanilang sinisingilan. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment