SAN PABLO CITY – Bilang paraan ng pagbati sa pagsapit ng ika-16 Anibersaryo ng Pagkakatatag, matapat na pinahahalagahan ni City Administrator Loreto S. Amante ang malaking tulong na naipagkakaloob ng National Health Insurance Program na ipinatutupad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang maayos na maipatupad sa lunsod na ito ang Palatuntunan sa Pagkakaloob ng mga Tulong na Pangkalusugan sa mga Mahihirap o City Indigency Program, at sa mga nagpapagamot sa ospital, sapagka’t ang nadudugtungan ng palatuntunan ang limitadong pondong nailalaan ng pangasiwaang lokal para sa pagtulong sa mga mahihirap nitong mamamayan.
Sa mga uri ng pagiging kaanib ng PhilHealth, nabanggit ng City Administrator na ang higit na kapakipakinabang at malaki ang naitutulong ay ang sponsored member, o ang mga mahihirap na pamilyang kaya nasasakop ng pambansang palatuntunan sa kaseguruhang panglipunan ay sa tulong ng yunit ng pangasiwaang lokal at ng PhilHealth, kung saan ang P1,200 nagugugol sa pagpapatala, halimbawa ay ng isang pamilyang may limang kaanib (o binubuo ng ama, ina, dalawang anak, at magulang na mahigit na sa 60 taong gulang) ang lahat ng miyembro ng pamilya ay may karapatan sa pagpapagamot sa isang paggamutan, kaya maraming ulit ang nagiging pakinabang sa P1,200 puhunan.
Ipinagmamalaki rin ni Administrator Amben Amante na ang mga tauhang nakatalaga sa PhilHealth San Pablo City Service Center, na ngayon ay nasa kahabaan ng Col. Lino Cosico Avenue sa Barangay Del Remedio, malapit sa kampus ng Laguna State Polytechnic University (LSPU), sa pangunguna nina Bb. Eloisa Tagbo at Gng. Luningning G. Lee, ay hindi nagiging paksa ng ano mang pagrireklamo, o kinakikitaan ng magandang paglilingkod ng mga mamamayan.
Samantala, kaugnay ng requirement o pangangailangan na ang mga operators ng tricycle ay kinakailangang maglakip ng sertipikasyon mula sa PhilHealth sa kanilang application for renewal of registration, dapat malaman ng lahat na ito ay hindi isang alituntuning ipinatutupad ng pangasiwaang lokal, kundi ito ay pag-alinsunod sa iniuutos ng Batas Republika Bilang 7742 sa lahat ng mga nagpapakilos at may prangkisa o operators and franchise holder na dapat sila ay rehistradong miyembro ng PhilHealth o nasasakop ng National Health Insurance Program. Ang paghingi ng sertipikasyon mula sa Social Security System, at sa PAGIBIG Fund ay pag-alinsunod naman sa iniaatas ng Batas Republika Bilang 9679 o Home Development Mutual Fund of 2009 na naglalayong maipairal ang katarungang panglipunan at pagsasakit na matamo ang pambansang kaunlaran.
Ang paglalakip ng sertipikasyon mula sa PhilHealth, SSS, at PAGIBIG ay iniaatas ng batas sa mga operators and franchise holder, kaya wala sa kapangyarihan ng pangasiwaang lokal na ito ay ipagwalang-bahala o pigilin, sa halip, ito ay isang obligasyong ipatupad. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment