MAYNILA – Nagpalabas kamakailan ang Tanggapan ng Kalihim ng Edukasyon na nagpapaalaala sa mga tagapaminuno ng mga pampublikong paaralan na hindi dapat na maging magugol ang palatuntunan ng pagtatapos o graduation rites, at hindi dapat magkaroon ng mga koleksyon para lamang matustusan ang nabanggit na palatuntunan.
Nabanggit sa paalaala ni Education Secretary Armin Luistro na ang tema ng palatuntunan ng pagtatapos ay “Ang Mga Pagsisipagtapos: Kaagapay Tungo Sa Pagbabagong Anyo ng Lipunan” (The Graduates: Partner Towards Transformational Society, An Answer to Societal Change) na nagpapadama ng mensahe ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na ang edukasyon ay makalulutas ng suliranin na gagabay sa bansa tungo sa ikapagkakaroon ng matatag na lipunan.
Patuloy na nagpapaalaala si Kalihim Armin Luistro na mula sa panahon ng patalaan sa Buwan ng Hunyo, hanggang sa panahon ng pagtatapos sa Buwan ng Marso o Abril, ay dapat na ipatupad ang “Layuning Walang Koleksyon o No Collection Policy” sapagkat ito ang nakatadhana sa 1987 Constitution, sa layuning mahikayat ang mga magulang na papasuking ang kanilang mga anak hanggang sa makapagtamo ng pangunahing edukasyon. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment