SAN PABLO CITY – Sa nakaraang buwanang pulong ng Liga ng mga Barangay, ipinabatid ni City Local Government Operations Officer Marciana S. Brosas na sa pinakamaagang pagkakataon ay dapat punuan ang mga bakanteng posisyon sa sangguniang kabataan at handa ang kanilang tanggapan na makipagtulungan upang ito ay maayos na maisagawa ng naaayon sa alituntuning itinatakda ng Batas Republika Bilang 7160, at mga tagubilin ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay DILG City Director Marciana S. Brosas, pananagutan ng punong barangay ipahayag sa pamamagitan ng paglalagay ng mga babala na nananawagan sa mga rehistradong botante sa Sangguniang Kabataan na bukas ang kanyang tanggapan sa pagtanggap ng aplikasyon para sa mga bakanteng posisyon sa sangguniang kabataan, at pagkatapos nito ay magpapatawag ng isang community assembly upang ipakilala ang mga aplikante para sa bakanteng posisyon, at magkaroon ng botohan, upang ang nagtamo ng pinakamataan na bilang ng boto ang pupuno o matatalaga sa bakanteng posisyon.
Ang botohan ay maaaring taasan ng kamay (viva voce) o lihim na botohan (secret ballot).
Ipinaaalaala ni Gng. Brosas na kinakailangang ang notice of meeting ay ipakalat o maipabatid sa mga rehistradong botante ng hindi kukulangin sa limang (5) araw bago isagawa ang asemblya o kapulungan, at binibigyang-diin na ang may karapatan lamang lumahok sa botohan ay yaong mga rehistradong botante, o iyong mga kabataang ang gulang ay 15 taon, subalit wala pang 18 taong gulang noong Oktubre 25, 2010, kung kailan ginanap ang regular na halalan ng sangguniang kabataan.(Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment