SAN PABLO CITY – Napag-alaman mula kay Chief Yolanda B. Deangkinay ng San Pablo City Parole and Probation Office na ang 2nd Regional Management Conference ng Parole and Probation Administration-Region IV ay nakatakdang ganapin sa lunsod na ito sa darating na Pebrero 28 at Marso 1 na personal na pangangasiwaan ni PPA-Region IV Director Paulino D. Dayang-ang, DPA. Ito ay dadaluhan ng 27 hepe ng 27 district offices na nakatatag sa 10 lalawigan sa Katimugang Tagalog o ang mga lalawigang bumubuo ng CALABARZON at ng MIMAROPA Region.
Ang Parole and Probation Administration ay isang kawanihan sa ilalim ng Kagawaran ng Katarungan, na siyang inaatasang tagasubaybay sa mga nalapatan ng kaparusahan ng hukuman na binibigyan ng kaluwagang makapamuhay sa labas ng bilangguan
Sa dahilang ang mga palatuntunang ipinatutupad ng Parole and Probation Administration para sa mga nasa subok-laya ng kanilang sinusubaybayan ay may pagpapahalaga sa pangangalaga ng kapaligiran at kalikasan, nabanggit ni Bb. Deangkinay na ang mga kalahok ay sisikaping mabigyan ng pagkakataong madalaw ang kapaligiran ng mga Bayan ng Alaminos, Rizal, at Nagcarlan, at ng lunsod na ito na siyang hurisdiksyon ng San Pablo City PPO.
Napag-alaman na rin mula kay Bb. Deangkinay na ang isang paksang pagtutuunan ng pansin ng mga kalahok sa talakayan ay karagdagang pananagutang iniatang sa ahensya na maging tagapagsiyasat at tagasubaybay sa mga first-time minor drug offender bilang pag-alinsunod sa itinatagubilin ng Batas Republika Bilang 9165. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment