Ang aktwal na pagsusumpit ng semilya mula sa isang Bulgarian murrah buffalo sa obaryo ng isang dumalagang kalabaw na isinagawa kamakailan ni Laboratory Technician Narciso
Ang Artificial Insemination (AI) ay kinikilala sa kasalukuyang pinaka-praktikal na pamamaraan upang mapaunlad ang lahi ng kalabaw sa bansa, sa dahilang napipili ang lahi ng barakong kalabaw o bull na kukunan ng semilya upang makalikha ng lahing may kaayaayang katangian na makatutugon sa pangangailangan ng mga magsasakang nag-aalaga nito sang-ayon kay Laboratory Technician Narciso S. Toledo ng Philippine Carabao Center na naka-base sa UPLB Campus sa Los Baños.
Ang Carabao Artifical Insemination Technology ayon kay Toledo ay kasama ang pagpili at pagtaya sa barako o ganador na kukunan ng semilya; pagtitipon ng semilya o semen collection; pagtaya sa natipong semilya; pagpoproseso at pag-iimbak nito; pagtaya sa kalalagayan ng paglalandi ng inaheng kalabaw o estrus detection; proseso ng inseminasyon o pagsusumpit sa semilya sa obaryo ng inaheng kalaba at pagtuturo sa nag-aalaga ng pinalahiang kalabaw sa tamang pag-aalaga ng bagong nakastahang inahen, hanggang sa isilang nito ang sanggol na kalabaw na nagaganap pagkalipas ng humigit kumulang sa 320 araw o labing-isang buwan.
Nabanggit ni Toledo ang ilang bentahe ng artificial insemination ay ang mga sumusunod: naiiwasan ang paglaganap ng sakit ng kalabaw na kinikilalang reproductive deseases; natitiyak na ang semilya ay malusog o fertile; hindi suliranin ang distansya ng kinalalagyan ng inaheng kalabaw upang ito ay mapuntahan ng Laboratory Technician na nagsasagawa ng hindi likas na pagkakasta; hindi suliranin ang laki ng inahen, sapagka’t kahit maliit ay nakakastahan na hindi nahihirapan sa bigat ng ganador; at sa bawa’t pagtigis ng semilya o ejaculation ay nakakapagkasta ng walo hanggang 10 inahen, na isa lamang inahen ang makakastahan kung sa likas na pamamaraan.
Nabanggit ni
Ipinaunawa ni Toledo na ang Bull Program ay ang pagtitiwala ng isang lalaking kalabaw na may lahing Bulgarian murrah buffalo sa isang pamayanan na may inaalagaang hindi bababa sa 25 inaheng kalabaw na ang gulang ay nanganganak pa o nasa reproductive age.
Lamang, ang pagkakatiwalaan ay dapat na may sariling lote na hindi bababa sa 1,000 metro kuwadrado para gamiting taniman ng Napier Grass, at karagdagang lawak na magagawang pastolan. Kikita o makikinabang ang mag-aalaga ng ganador na kalabaw sa pamamagitan ng pagsingil sa lahat ng may pakakastahang kalabaw sa kanyang alaga.(Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment