Si Dra. Nida Glorioso samantalang kapanayam ang mga kinatawan ng mga pribadong pagmutan sa lunsod
SAN PABLO CITY – Ang City Health Office ay patuloy ang isinasagawang kampanya upang manatiling sariwa sa alaala ng mga mamamayan ang mga pamamaraan upang maiwasan ang paglaganap ng sakit na dengue hemorrhagic fever, at ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng patuluyang pakikipag-ugnayan sa mga kinatawan ng local mass media, pakikipagtalakayan sa mga kinatawan ng iba’t ibang sektor ng lipunang lunsod. Maging ang City Disease Surveilance Unit ng tanggapan ay may tuwirang pakikipag-ugnayan sa mga pribadong pagamutan sa lunsod para matiyak na ang lahat ng tinatanggap nilang pasyente sa hinalang ito ay nagtataglay ng sintomas ng dengue fever ay ma-monitor nila kaagad.
Bilang tagapaminuno ng Disease Surveilance Unit ng City Health Office, nagpapaalaala si Dra. Nida E. Glorioso na laging alalahanin ang Four S na binabanggit sa mga promotional material ng Department of Health na ito ay ang Search and Destroy Mosquito-breeding sites o paghahanap at pagsira sa mga tinitiningan ng tubig na nagsisilbing palahian sa lamok na may uring Aedes aegypti; Self-protection measures o pangangalaga sa sarili sa pamamagitan ng pagsusuot ng tama at angkop na kasuutan upang ang balat ay huwag madapuan at makagat ng lamok; Seeking early treatment o pagkikipagkita sa manggagamot sa sandaling may mapapansin ipinalalagay na palatandaan ng pagkakaroon ng sintomas ng Dengue fever; at Saying no to indiscriminate fogging o pagtangging basta na lamang magbobomba ng usok sa kanilang kapaligiran.
Sang-ayon kay Dra. Nida E. Glorioso, kung tutuusin ay simple o payak lamang ang pamamaraan upang mailigtas ang isang sambahayan sa pagkakasakit ng dengue fever. Ang pagawang malinis ang kapaligiran, lalo na ang pagtiyak ng walang titiningan ng tubig na magsisilbing palahian ng lamok. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment