Sa personal na pamamatnugot ni City Councilor Ellen T. Reyes bilang Executive Director, ang San Pablo City Women, Family and OFW Center sa Green Valley Subdivision sa Barangay San Francisco ay patuloy na nagkakaloob ng iba’t ibang kamalayan at kasanayang panghanapbuhay, na ang mga tagapagturo ay mga kilala sa larangan at disiplinang kanilang inililinang sa mga lumahok sa kanilang palatuntunan. Ang tagapangulo ng nabanggit na training center ay si Alkalde Vicente B. Amante.
Ayon kay Concejala Ellen Reyes, sa pagpasok ng nakaraang Buwan ng Hulyo ay nakapagkaloob sila ng pagsasanay sa may 80 kalahok sa food processing o paghahanda ng iba’t ibang uri ng lutuin na maiuugnay sa preserbasyon ng mga hindi nakonsumong pagkain, at kasalukuyang ginaganap ang Training on Cosmetoloy and Hair Science, na ay 51 kalahok. Sa Agosto 17 – 20, 2009 ay housekeeping o pagsasanay sa mga gawain sa loob ng isang otel o hotel room management; at sa Agosto 24 – 27, 2009 ay baking o paghahanda ng mga pagkaing salig sa arina.
Nabanggit ni Concejala Ellen na ang lahat ng mga pagsasanay na ito ay bukas sa lahat, walang pagtatangi kung lalaki o babae, ano man ang gulang, at nabibilang sa alin mang antas ng lipunan. At para sa karagdagang impormasyon ay maaaring tumawag at magtanong sa telepono bilang (049) 503-0015, o mag-email sa womencenterspc@yahoo.com (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment