SANTA CRUZ, Laguna - Naniniwalang ang pagpapaunlad ng mga kagamitan ng mga paaralang publiko ay bahagi ng matatag na pundasyon ng tulay tungo sa kaunlaran ng lalawigan, at pagtataas sa antas ng pamumuhay ng mga mamamayan, ang pagpapaunald ng mga gusaling pampaaralan ay bahagi ng “Agendang Kinse Kumpletos Serbisyo Kontra Kahirapan at Gutom” ni Gobernador Jeorge “ER” Ejercito Estregan.
Tulad noong mga panahong siya ay punumbayan ng Pagsanjan ay naging ugali na ni Gob. Estregan na dalawin ang mga pagawain, na walang pagtatangi kung ito ay pinapunduhan ng pangasiwaang panglalawigan o nasyonal, sapagkat nais niyang matiyak na nasusunod ang mga napagtibay na “design and specifications” hindi lamang para mapangalagaan ang pondo ng bayan, kundi para matiyak ang kapanatagan at kaligtasan ng mga gagamit ng gusali.
Sa kasalukuyan, ang pangasiwaang panglalawigan ay nagpapatayo ng isang multi-storey building sa dakong likuran ng capitol compound dito na hiniling ng Panglalawigang Sangay ng Department of Education, at kasama si Provincial Engineer Gerry Mondez ay lagi niyang dinadalaw ito, lalo na at ito ay hindi kalayuan sa kanyang pansamantalang tanggapan sa FAITH Building.
Naniniwalang walang pamayanang umunlad na hindi pinagyayaman ang kanyang kasaysayan, sining, at kultura, napag-alaman mula kay Gobernador Estregan na magsasagawa ng “restoration works” sa Old Capitol Building na desinyo ng Division of Architecture ng dating Bureau of Public Works noong Commonwealth Era na natayo noong 1917, na doon ibabalik ang Tanggapan ng Punonglalawigan.
Ayon kay Gobernador ER, ang “Matandang Kapitolyo” ay simbolo ng katatagan ng mga Lagunense upang mapagtagumpayan ang nakakaharap na ano mang pagsubok, sapagka’t sapagka’t sa kabila ng mga nadamang paglindol sa lalawigan, kasama na ang nagdaang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang gusali ay nanatiling maganda at matatag, at walang tinamong kasiraan.
Nauna rito, ay kasalukuyang isinasaayos ang mga memorial bust sa alaala ng mga namayapa ng naging punonglalawigan ng Laguna simula noong Panahon ng Komonwelt hanggang kay Gobernador Felicisimo T. San Luis.
Gayon pa man, ang larawan nina Gobernador Restituto Luna, Jose D. Lina Jr., at Teresita S. Lazaro ay kasama na sa 16 na larawan ng mga naging punonglalawigan sa kanyang Governor’s Conference Room kung saan sinasabi Gobernador Estregan na “Sila ang mga lider sa kanilang tamang panahon, na iniidolo ko at ang kanilang alaala ay gumagabay sa aking pangasiwaan.” (RET)
Comments
Post a Comment