San Pablo City – Excellent ang ibinigay na rating ni P/Supt. Adriatico B. del Camat, Jr., Representative mula Camp Crame ni Chief PNP Jesus Versoza, sa isinagawang inspection sa Lunsod ng San Pablo nuong Setyembre 8 sa PAMANA Hall. Dumalo sa nasabing inspection ang mga kapulisan mula San Pablo City, Rizal, Alaminos at Laguna Mobile Group.
Binigyang diin ni P/Supt. Del Camat, Jr. sa mga kasamahan sa pagseserbisyo na ang pagiging Pulis ay isang karera na puno ng sorpresa, pagkabigo at tagumpay. Hindi rin pinag-uusapan sa larangang kanilang kinaaaniban ang ranggo, dami ng karangalang natamo at maging tagal sa paglilingkuran, mas mahalaga diumano ang sinseridad sa pagtulong at paglilingkod. Hiniram pa nito ang mga salitang minsan ay sinabi ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino, Jr. na “ang taumbayan ang kanilang boss”.
Sa kabila ng mga tinatamasang batikos ng PNP sa ngayon ay nagawa pa ring itaas ni P/Supt. Del Camat, Jr. ang moral ng mga dumalong pulis. Sa pagsasabing malakas ang kumpiyansa nito na handa ang mga miyembro ng Laguna-PPO na magbigay ng isang matuwid na pagseserbisyo publiko sa anumang kondisyon. Taas noo rin nitong sinabi at ipinangakong ipararating sa Camp Crame na kayang itayo ng Laguna PPO ang magandang pangalan ng PNP sa anumang sitwasyon. Hinimok rin nito ang mga kasamahan na matutong pahalagahan ang mga sakripisyo ng buong komunidad sapagkat naniniwala itong ang komunidad ay ang kanilang sandalan at katuwang tungo sa isang mas matahimik na pamayanan.
Bago pa man matapos ang kanyang mensahe ay hindi naman nito nalimutang papurihan sina P/Insp. Rolando Libed na tinagurian nitong isa sa kanyang “finest student” sa kanyang isinagawang Barangay Peacekeeping Action Team Seminar (BPATS) . Sinabi rin nito na mapalad ang San Pablo Police Station sapagkat bahagi ng naturang istasyon si Chief of Investigation Section Gerry Sangalang sa kahandaang ipinamamalas nito sa anumang sitwasyon. Ang dalawa ay parehong kabilang sa SPC Police Station na pinamumunuan naman ni P/Supt. Ferdinand de Castro. (CIO-San Pablo)
Comments
Post a Comment