Sa nakaraang pakikipanayam ng npahayagang ito, binigyang diin ni Mayor Vicente B. Amante na “Edukasyon ang Sandata ng Katahimikan” at sandigan sa ikapagkakaroon ng pamayanan maunlad at matatag na hinaharap. Ito umano ang nasa kaisipan ni Gat Jose P. Rizal na ang pinangarap ay mapagkalooban ng pangunahing edukasyon o basic education ang mga kabataang mula sa karaniwang pamilya,
Dapat alalahanin na nang si Dr. Rizal ay maging isang tapon o exile sa Dapitan, ang kanyang pinagtuunan ng pansin ay hindi ang gamutin ang karamdaman ng mga taga-Dapitan, kundi gamutin ang umiiral na kamangmangan ng mga taga-roon, sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga bata ng pagbasa at pagsulat, pagkukuwenta, at nang ang mga kabataan ay mapunlaan na niya ng mga pangunahing kamalayan, ay saka niya tinuruan ng tamang pagkokopra, pangingisda, paggagawa ng mga tubong tisa na ginamit sa pagtatayo ng sistema ng patubig,
Maging ang negosyante sa Dapitan ay hinikayat ni Rizal na magsamasama at sikaping ang mga artikulo ng kalakalan na likha ng mga tagaroon ay sunod sa iisang pamantayan upang maikuha ng mataas na halaga sa pamilihan sa Maynila noon.
Sa darating na Hunyo 19, 2011 ay gugunitain sa Lalawigan ng Laguna ang ika-150 kaarawan ni Dr. Jose P. Rizal, at dito sa Lunsod nng San Pablo ay kaalinsabay na gugunitain ang ika-100 taon ng pagkapagtayo sa Bantayog ng Pambansang Bayani sa Liwasang Lunsod, kaya ang nabanggit na bantayog ay isasaayos upang maging angkop sa kahalagahan ng pagdiriwang, sapagka’t sang-ayon sa punonglunsod, kasang-ayon siya ng paninindigan ni Rizal na kapag ang mga mamamayan ay may sapat na edukasyon ang mga ito ay hindi magiging pahirap sa pamayanan. Kung edukado ang mga tao sa isang komunidad ay walang mga karahasan o kaguluhan ang mga maaaring mangyari. Kaya binibigyan din niya ng prayoridad ang kalusugan ng lahat ng taga-lunsod. Sapagkat siya ay naniniwala na kapag malusog ay lalabas ring itong isang matalinong mamamayan. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment