Mula kay Assistant Provincial Prosecutor Florante D. “Gonzales, isang aktibong kasapi ng Kapatiran ng mga Mason dito sa Lunsod ng San Pablo, ay napag-alamang ang Freemasonry o Masonerya ay isang kapatiran, at hindi isang relihiyon o sekta ng pananampalataya . Ito ay isang kapatiran na nagsasakit na ang mga mabubuting lalaki ay higit pang maging mabuti at kalugod-lugod na kagawad ng lipunan.
Ipinahayag din na ang mga Mason ay iginagalang ang pananampalataya ng kanilang mga kaanib. Katunayan nito, ang mga Mason ay walang ipinasusunod na doktrina ng pananampalataya o teologo, at hindi nagtuturo ng aral ukol sa kaligtasan. Hindi rin sila nagtuturo na ang mabubuting gawain o paglilingkod sa sangkatauhan ay titiyak ng kaligtasan o ikapagtatamo ng buhay-na-walang-hanggan, ayon pa kay Gonzales.
Sa mga aklat ng kasaysayan, iniuulat na ang Kapatiran ng mga Mason ay natatag sa Pilipinas sa pagsasakit ng mga kilalalang makabayang Pilipino, tulad nina Jose P. Rizal, Marcelo H. del Pilar, at iba pang nagkaroon ng pagkakataong makapanirahan sa Espanya noong panahon ng huling dekada ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas. Halos ang lahat ng mga naging haligi ng kilusan na naghahangad ng kalayaan para sa Pilipinas noon, tulad nina Andres de Castro Bonifacio, Emilio Famy Aguinaldo, at Apolinario Maranan Mabini ay pawang naging kaanib ng kapatiran, at tulad ng nangyari sa España, Pransya, at ilang pang mga bansa, ito ay naging isang lihim na kilusan, dahil sa pakikialam ng Simbahang Katoliko na nag-aakalang ito ay isang sekta ng pananampalataya na tumututol sa kanilang iniuutos at ipinatatanggap na paniniwala.
Ang Kapatiran ng mga Mason ay lumitaw sa Englatera noong ika-17 Siglo, at ito ay binubuo lamang ng mga kilalang manggagawa sa bato o mason, na nang matapos na ang mga pagtatayo ng mga malalaking katedral at kastilyo, ang samahan ay ipinahintulot ang pagsapi ng mga kilalang mamamayan o ng mga nabibilang sa mataas na antas ng lipunan, na ang pangunahing tunguhin ay ang pagtatatag ng isang lipunang may kaayaayang pangkalahatang layunin, tulad ng pag-iral ng kapatiran, pagkakapantaypantay, at kapayapaan,
Nang magkaroon na ng apat (4) na balangay na tinatawag nilang lodge o kanlungan, ito ay binuo sa isang pederasyon, at noong Hunyo 24, 1717 ay pormal na natatag ang Grand Lodge for London and Westminster, at noong 1723, ang pederasyon ng mga lohiya ay tinawag na Grand Lodge of England, at ng maitatag ang mga lohiya sa New York, sa Ireland, at sa Scotland sa pag-itan ng mga taong 1725 at 1736, ang Grand Lodge of All England” ay tinawag nang “Mother Of All Grand Lodges Of Freemasonry.” Ang Freemasonry ang kinikilala ngayong pinakamalaganap at pinakamalaking orden ng kapatiran sa daigdig, na ang kanilang magandang gawain at paglilingkod ay napapabantayog sa puso ng mga mamamayang kanilang pinaglilingkuran, sapagka’t wala silang hinihintay na sukli sa kanilang pagtulong, liban sa nadarama nilang kaligayahan na sila ay nakakapaghatid ng tulong sa kanilang kapuwa o sa sangkatauhan. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment