Maaaring naaalaala pa ng marami, pagka-upo ni Congresswoman Ma. Evita R. Arago noong Hulyo ng 2007, ang isa sa unang panukalang batas na kanyang inilahad sa Kongreso ay ang House Bill No. 2662 na sususog sa Batas Republika Bilang 4850 na lumilikha sa Laguna Lake Development Authority (LLDA), na sinusugan ng Presidential Decree No. 813 noong Oktubre 17, 1975, at Executive Order No. 927 noong Disyembre 16, 1983, na naglalayon na ang pangangasiwa at pagpapaunlad sa pitong (7) lawa ay mabalik sa Pangasiwaang Lunsod ng San Pablo.
Magugunita na dahil sa pagkapagpatibay sa Executive Order No. 927 na nagpapalawak sa sakop ng Laguna de Bay Region, ang mga lawa at ilog sa sakop ng Lunsod ng San Pablo ay nasakop o sa operasyon ng batas ay naging pag-aari ng Laguna Lake Development Authority, at ganap na nawalan ng poder ang pangasiwaang lokal upang mapaunlad at tuwirang mapakinabangan ang mga biyayang ito ng kalikasan sa mga mamamayan ng lunsod.
Bilang dating first councilor ng lunsod, malawak ang kamalayan ni Congresswoman Ivy Arago sa mga suliraning may kaugnayan sa pitong lawa sa lunsod, kaya naman nang maupo siya sa Malaking Kapulungan, ang pagbalangkas ng isang batas na magbabalik sa pitong lawa sa Lunsod ng San Pablo ang kanya kaagad inihain noong Oktubre 1, 2007, gayon pa man, dapat unawain na hindi agarang ito ay mapagtitibay, sapagka’t ang isang panukalang batas ay sumasailalim ng mahabang proseso, tulad ng pagsasagawa ng mga public hearing, at sa usapin ng mga suliraning may kaugnayan sa Laguna de Bay at pitong lawa sa lunsod ng San Pablo, ang panukala ay dapat pag-aralan ng Committee on Local Government, ng Committee on Natural Resources, ng Committee on Tourism, ng Committee on Public Works and Infrastructures, at maging ng Committee on Health sa dahilan ang mga crater lakes na tinutukoy ay potensyal na mapagkukunan ng inuming tubig.
Kinakailangang masunod na lahat ang mga itinakdang proseso bago ganap na mabalangkas ang panukalang batas, at mapagtalakayan sa bulwagan ng kapululungan, na sa sandaling mapagtibay sa House of Representatives ay kailangan pa itong ituloy sa Senado para sa pagpapatibay ng katulad at kaugnay na panukalang batas. At matapos na mapagsama at mapag-isa ang dalawang version, ay saka pa lamang itutuloy sa Malacañang para sa pagpapatibay ng Pangulo ng Bansa. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment