Gaya ng nakaugalian kung isinasagawa ang taunang Cocofest, sa darating na Enero 8 – 15, 2011 ay muling magkakaroon ng gabi-gabing beer plaza sa kahabaan ng Avenida Rizal na maituturing ng isang institusyon na nagtatampok sa mga produkto ng San Miguel Brewery, Inc., lalo na ang San Miguel Pale Pilsen at San Mig Light sang-ayon kay Mac C. Dormiendo, External Relations Associate – Luzon ng San Miguel Foods, Inc.
Magugunitang sina Robert Non at Mac C. Dormiendo, na mga advocacy officers noon ng San Miguel Corporation, ang mga naging kasangguni ni Mayor Vicente B. Amante ng balangkasin ang palatuntunang naging batayan sa pagkapaglunsad ng Coconut Festival noong Enero ng 1996 na ang pinakatampok ay ang Mardi Gras o Street Dancing Competition, at ang sinabing beer plaza ay maitutulad sa “pundahan” na ginaganap sa San Pablo noong bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pangdaigdig sa harapan ng simbahan, na noon ay karaniwang tinatawag na Plaza Rizal, na ang ugat ay ang tradisyon ng Oktoberfest na taunang isinasagawa sa Alemanya, na unang itinanghal sa Munich noong Oktobre 12, 1810 upang magbigay saya sa paggunita ng anibersaryo ng kasal nina King Ludwig at Princess Therese na ang pinakatampok ay ang pagpapainum ng cerveza na ang pulutan ay longganisa.at litsong baka.
Sa isang pananaliksik, napag-alamang noong bago magkadigma, ang paboritong pulutang inihahain sa mga pundahan ay ginataang hipong Palakpakin na may pako, gulay na (uod ng) laywan na ang paasim ay tinuyong kalamyas, at lunganisang gawang bahay mula sa karne ng baboy na tinuyo sa sikat ng araw..
Naniniwala si Dormiendo na ang tradisyon ng Oktoberfest, na karaniwan tinatawag sa lunsod na beer plaza, ay dapat pasiglahin dahilan sa ito ay lumilikha sa mga magkakapalagayang-loob na maging mga tunay na magkakaibigan, lalo at iisiping ang pag-inum ng San Miguel Pale Pilsen ay bahagi na ng kultura at pagpapahalaga ng mga Pilipino, at katunayan nito, sa palagay ng marami, simula pa noong 1890 ay kinikilala na itong isang “health tonic,” o nakakapagpasigla sa diwa at damdamin ng mga umiinum nito. (Ruben E. Taningco)
Ayos sa mga pulutan nung araw a. Ginatang hipon na may pako, uod ng laywan na may paasim na tinuyong kalamyas, longganisang gawa sa tinuyong karne ng baboy sa sikat ng araw? Hanep! Gusto ko subukan yan!
ReplyDelete