SAN PABLO CITY – Nagpapaalaala si (OIC) City Local Government Officer Marciana S. Brosas sa lahat ng mga kalihim ng barangay, nakatalaga na at itatalaga pa, sa lunsod na ito na kanilang alalahanin ang itinatagubilin sa Seksyon 394 ng Local Government Code of 1991 o Batas Republika Bilang 7160 na sila ay may pananagutang maghanda ng maayos na talaan ng lahat ng kasapi ng barangay assembly, na ang nabanggit na talaan ay dapat may mga siping nakapaskel sa ilang hayag na lugar sa barangay; at kinakailangang maghanda at mag-ingat ng maayos na record ng lahat ng resident eng barangay na nalagay ang sumusunod na impormasyon: pangalan, tirahan, dako at petsa ng kapanganakan, kasarian, kalalagayan sa buhay, pagkamamamayan, gawain o hanapbuhay, at iba pang datus na makatutulong sa ganap na ikakikilala sa isang residente.
Ang barangay secretary ay dapat ding may maayos na pakikipag-ugnayan sa Local Civil Registrar para sa pagpapatala ng mga ipinanganganak, namamatay, at nag-aasawa sa barangay.
Lubhang mahalaga ang mga record na ito ayon kay Gng. Brosas dahil sa ito ang pinakapangunahing pangangailangan bilang reperensya o batayan ng ano mang gawain sa barangay, mula sa pagbalangkas at implementasyon ng mga palatuntunang pangkalusugan, paghahanda ng palatuntunan sa pagpapaunlad ng paaralan, sa paghahanda ng mga palatuntunan ng barangay disaster coordinating council, at maging sa mga palatuntunang may kaugnayan sa suliranin ng kapayapaan, kaayusan at kapanatagan.
Ang mga records na ito rin ang pangunahing batayan sa pagpapatawag ng community assembly na dapat isagawa dalawang beses isang taon para pagpasiyahan ang mga palatuntunang pangkaunlarang inihanda ng barangay development council na pinagtibay ng sangguniang barangay, at gayon din para pagtibayin ang proposed annual barangay budget na inihahanda ng sangguniang barangay, paalaala pa ni City Director Marciana Sulte Brosas. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment