ALAMINOS, Laguna – Umabot sa kabuuang 3,350 ang napaglingkuran ng Medical and Dental Mission na personal na pinangasiwaan ni Congresswoman Ma. Evita R. Arago na ginanap sa covered court ng Alaminos Central School dito noong nakaraang Sabado, Agosto 21, sa tulong ng isang Itinerant medical/dental team na naka-base sa Maynila na karaniwang inaanyayahan ng mambabatas kung ang walang bayad na gamutan ay ginaganap sa mga Araw ng Sabado at Linggo.
Ang walang bayad na serbisyong pangkalusugan ng Tanggapan ni Congw. Ivy Arago ay masasabing “record breaking” hindi lamang sa bilang ng napaglingkuran, kundi sa bilang ng oras na napaukol dito. Ang aktwal na gamutan ay sinimulan sa ganap na ika-7:00 ng umaga, at ang pinakahuling pasyente ay napagkalooban ng walang bayad na gamut sa ganap na ika-7:07 ng gabi.
Ang medical mission ay maituturing na nagkakaloob ng “total services” o mula sa pagsusuri hanggang sa pagkakaloob ng sapat na gamot sa tulong ng isang lisensyadong parmasyotika.
Si Congw. Ivy ay may kasama ring tauhan na ang pananagutan ay kausapin ang mga may karamdamang iminumungkahi ng medical team na sumailalim ng karagdagang pagsusuri sa mga specialty hospital sa Maynila, upang sila ay matulungang madala sa kaukulang ospital sa tulong ng ambulansya ng kanyang tanggapan.
Ang bayang ito ay nahahati sa 15 barangay, kung saan ang apat (4) ay nasa Poblacion, na ang kabuuang populasyon ayon kay Mayor Eladio M. Magampon ay 40,380 (batay sa August 1, 2007 NSO Survey). (Seven Lakes Press Corps)
Comments
Post a Comment