SANTA CRUZ, Laguna – Ispisipikong organisasyon at tamang kahandaan ang susi upang mabawasan ang masamang epekto sa mga mamamayan ng mga nagaganap na kalamidad, ito ang binigyan diin Gobernador Jeorge “ER” Ejercito Estregan nang siya ay magbigay ng pananalita sa ginanap na Summit on Disaster Risk Reduction and Management na ginanap sa Cultural Center of Laguna dito kamakailan na nilahukan ng mga designated disaster manager at iba pang pangunahing tauhan ng mga City/Municipal Disaster Coordinating Council sa buong lalawigan.
Ayon sa punonglalawigan, mahalaga na ang mga bumubuo ng disaster coordinating council sa isang lunsod o munisipyo ay organisado at kabisado ang mga hakbanging dapat nilang isagawa sakalit may maganap na kalamidad, tulad ng bagyo, lindol, malalakas na pag-ulan at pagbaha, at mga pagguho. Binigyang-diin ni Estregan na napakahalaga sa isang tao na matutunan ang kaparaanan sa paghahanda upang makaiwas sa anumang sakuna o trahedya sa panahon ng anumang kalamidad.
Nagugunita ni Estregan na maaaring maraming nailigtas sa kamatayan ng maganap ang July 16, 1990 Killer Earthquake, ang Ormoc Tragedy sa Leyte, ang Mindoro Tragedy ng dumaan ang Bagyong Feria noong Hunyo 24, 2009 sa Naujan; ang Real Landslide sa Quezon noong Disyembre 1, 2004; kung doon ay may mga organisado at may kamalayang mga tao na nagkakaloob ng tulong sa mga nalalagay sa kagipitan. Nakalulunos na ang mga tumulong noon ay walang dala kundi lakas ng loob, sapagka;t sila ay walang kamalayan sa Disaster Risk Reduction Management.
Sapagkat ang ugat ng mga mapaminsalang kalamidad, tulad ng flash flood at landslide, ay ang illegal logging and illegal extraction of natural resources, ipinahayag ng punonglalawigan na mahigpit at patuluyang ipatutupad ang lahat ng mga batas at alituntunin laban sa labag sa batas na pagkakahoy at pagmimina ng buhangin, gaya ng napapaloob sa kanyang “15-Point Development Agenda na bahagi ng K-2 Kinse Kumpletos Kontra Kahirapan. (LPPIO/Vic Pambuan)
Comments
Post a Comment