Sa pangunguna ni Pangulong Ricky Tan, ang San Pablo City Filipino-Chinese Fire Prevention and Civic Welfare Association, Inc. (SPCFCFPCWAI) ay nagsasagawa ng regular fire drill o pagsasanay sa wastong pagsugpo ng sunog, at ang pangunahin dito ay ang pagtiyak na ang kanilang mga kagamitan sa pagpatay ng sunog ay nasa tamang kaayusan at maaasahang magagamit para makatugon sa mga pangkagipitang tawag para tumulong sang-ayon kay Gng. Elizabeth Lim-Vilal, ang Group’s Fire Coordinator.
Maraming Filipino-Chinese Fire Prevention Volunteer Team sa bansa, at tanging si Beth Lim ang lady volunteer na aktibong nakikilahok sa mga aktwal na fire fighting activities, at bilang group’s Fire Coordinator, siya ay nagtatag ng isang sistema upang ang mga pangunahing kasapi ng asosasyon na sina Volunteer Firemen June Yu, Fernando “Totoy” See, Jason Sy, Randy Lim, Edmund Wong, Tony Uy, Melvin Tan, Roel Lozada, Julio Tan, Eddie Ong, at Roger Villanueva ay dagliang matatawagan sakali’t may magaganap na sunog hindi lamang sa lunsod na ito, kundi maging sa mga kanugnog na munisipyo.
Isang kalakaran na kung may nagaganap na sunog sa labas ng lunsod, at ang mga kagamitan ng San Pablo City Fire Station na pinakikilos ng Bureau of Fire Prevention ay tutulong, ang SPCFCFPCWAI ang maiiwanan para magbantay sa kalunsuran laban sa sunog, kaya sila ay may tuwirang pakikipag-ugnayan sa himpilan ng nabanggit na kawanihan.
Samantala, kaugnay ng pagdiriwang sa Buwan ng Marso bilang Fire Prevention Month, nagpapaalaala ang SPCFCFPCWAI sa lahat na isagawa ang mga sumusunod na pag-iingat laban sa sunog:
1. Ilagay o isulat sa isang hayag na lugar ang numero ng telepono ng San Pablo City Fire Station;
2. Panatilihing malinis at maayos ang kapaligiran ng tahanan, at tiyaking walang kakalat na mga tuyong basura o bagay na madaling masunog sa kapaligiran ng tahanan o paggawaan;
3. Tiyaking ang posporo at lighter ay hindi maaabot at mapaglalaruan ng mga bata, at ng mga matatandang may batang isip;
4. Ang kandila at ilawang de gaas o petrolyo ay huwag sisindihan sa malapit sa kurtina, at sa mga dako ng tahanan na maaari itong matumba; at
5. Laging ipasusuri ang mga linya ng kuryente sa mga may kamalayan sa electrical connection at iwasan ang subrang “load” sa mga outlet nito, at ang mga sumusabog na fuse ay huwag papalitan ng ano mang metal, kundi bagong fuse din na may tatak ng Bureau of Product Standards o ng DTI. Huwag ding magiimbak ng gasoline at petrolyo sa loob ng tahanan.
Sa paaalaala ni Beth Lim, dapat ding iwasan ang mag-iwan ng may sinding sigarilyo sa ash tray dahil sa ang upos ay maaaring malaglag sa mga bagay na madaling masunog, at kasama ng first-aid kit, ay dapat ding may maayos na fire extinguisher sa bahay. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment