MAYNILA – Sa Resolution No. 9149 na pinagtibay ng Commission on Elections (COMELEC) noong nakaraang Pebrero 11, 2011, ang pagpapatuloy ng pagtatala ng mga bagong botante ay magsisimula sa Abril 1, 2011, at matatapos sa Oktubre 31, 2012 para mapaghandaan ang May 13, 2013 National and Local Elections.
Ang gagamiting paraan ng pagtatala ay Biometrics Technology o ang pagkuha ng larawan, tatak ng daliri, at lagda ay sa pamamagitan ng computer.
Sang-ayon kay Chairman Sixto S. Brillantes, Jr., ang pagtatala ay mula sa araw ng Lunes hanggang araw ng Sabado, simula sa ika-8:00 ng umaga hanggang ika-5:00 ng hapon, sa tanggapan ng Election Officer sa lunsod o bayan kung saan ang magpapatala ay naninirahan.
Ito ay isang pagkakataon para ang isang botanteng lumipat na ng tirahan, na walang katiyakang kung siya ay makababalik sa bayang kinatatalaan sa darating na Mayo 13, 2013 ay hilinging malipat ang kanyang pagkakatala, sa pamamagitan ng pagsasadya sa tanggapan ng Election Officer ng lunsod o bayan na kanyang nilipatan. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment