RIZAL, Laguna – Sa buwanang pulong ng Municipal Mayors League of Laguna na pinangasiwaan ni League Vice President Wilfredo O. Paraiso na ginanap sa Tala Hotel and Resort ditto noong nakaraang Huwebes, Pebrero 24, 2011, ay nagging isang pagkakataon na sa pamamagitan ng isang video presentation ay naipakilala ni Vice Mayor Ferdinand O. Sumague ang “Landing Point” na siyang pinakasentro ng Tayak Hill na pinauunlad ng Pangasiwaang Lokal ng Rizal bilang isang ecological tourism park.
Mahalaga ang Kaburulan ng Tayak sa kasaysayan ng Katimugang Tagalog, dahil sa ito ang naging kaugnayan ng mga gerilya o ng mga pangkating laban sa pananakop ng mga Hapon, Dito dinadagit ng mga Sandatahang Lakas ng Estados Unidos ang mga pilotong napababagsak ang kanilang eroplano ng mga kaaway, at dito rin naibababa ang mga panustos na kagamitang pandigma na nakatulong upang mapadali ang pagputol sa panahon ng pananakop sa bansa, at mabalik ang Kalayaan ng Pilipinas noong Hulyo 4, 1946 gaya ng ipinangako ng Pamahalaang Americano noon, paliwanag ni Vice Mayor Ferdinand Sumague.
Sang-ayon kay Atty. Romulo Urrea noong mga panahong siya ay Provincial Attorney, siya raw ay mahigit lamang na 12 taon ng mapasama sa isang pangkat ng mga gerilya, at nagkataong sa Tayak sila nakapagkuta, kaya nasaksihan niya na sa tulong lamang ng pala at patik ay napatag ang isang bahagi ng sityo, na bagama’t sa pakinig niya ay halos 300 metro lamang ang haba ng hinawan at pinatag na paliparan o “landing”, ligtas na nakabababa rito ang mga observation plane na tinatawag noong Piper Cub o Tutubig, dahil sa ito ay nasa isang talampas o plateau kaya may sapat na lugar para ang eroplano ay makababa sa lebel ng tatakbuhang lupa. Mahirap naman itong puntahan ng mga Kawal ng Hapon dahil sa ito na napoproteksyonan ng mga dalisdis kung saan ang mga gerilya ay may nakahandang mga malalaking bato, na kung may darating na kaaaway ay basta ito itutulak para gumulong na papababa sa mga kalaban. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment