SAN PABLO CITY – Nabatid mula kay Engr. Ruel J. Dequito na simula pa noong nakaraang isang Biyernes, Pebrero 4, ay hindi na nagtatapon ng basura sa San Pablo City Sanitary Landfill sa Sityo Baloc sa Barangay Santo Niño upang mabigyan ng daan ang taunang pagsasaayos ng soil covering ng mga itinambak na basura.
Magugunitang pag-alinsunod sa alituntunaing ipinatutupad ng National Solid Waste Management Commission, ang mga Bayan ng Nagcarlan na kinakatawan ni Mayor Nelson Monteagudo Usona, at Rizal na pinamamahalaan ni Mayor Antonino A. Aurelio, ay may pakikipag-unawaan sa Pangasiwaang Lunsod para sa kapahintulutang makapagtapon ng kanilang basura sa lunsod naito, na may halaga silang babayaran para sa bawa’t tonelada ng basurang kanilang ipapasok dito.
Kinailangang ipatigil limitahan ang pagtatambak ng mga hindi na pakikinabangan pang basura upang mabigyang-daan ang taunang pagsasaayos ng soil covering ng tambak ng basura, na may pagsasaalang-alang sa sistema ng linya ng mga tubo para sa bentilasyon lupang ang mga nalilikhang methane gas ay may madanan, upang maiwasan ang konsentrasyon nito, sapgaka’t kung nagkakaroon ng konsentrasyon ay may panganib na ito ay sumabog, at pagsimulan ng mga sunog.
Ipinauunawa ni Engr. Dequito na ang pagsasaayos ng isang sanitary landfill ay mapanganib dahil sa mga gasses na lumalabas mula sa napapatambak na basura, at ang lahat ng pagkilos ay buong ingat upang maiwasang mabutas ang inilagay na “liner” para ang katas ng basura ay huwag masipsip ng lupa at makarating sa daloy ng tubig sa ilalim nito.
Ipinagugunita rin ni Dequito na ang pumipili ng pinagtatayuan o site ng sanitary landfill ay hindi ang pangasiwaang local, kundi ang mga tekniko ng National Solid Waste Management Commission, sapagkat isinasaalang-alang ang uri o klasipikasyon ng lupa upang matiyak na ito ay magiging matatag at mapangangalagaan ang kalinisan ng tubig sa ilalim o ang tagas ng nabubulok na basura ay hindi makakakontamina sa tubig sa aquifer. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment