SAN PABLO CITY – Kaugnay ng 2011 Tax Campaign Kick-off na ipinag-anyaya ng Revenue Region No. 9 noong Lunes ng umaga, Pebrero 21, sa Atrium ng SM City San Pablo, ipinabatid ni Commissioner Kim S. Jacinto-Henares na sa tagubilin ni Pangulong Benigno C. Aquino III, sa ilalim ng kanyang pamamatnugot, ang Bureau of Internal Revenue ay unti-unting nababago ang pagkilos ng mga tauhan na daan upang patuloy na pagtiwalaan ng mga mamamayan ang kawanihan.
Si Commissioner Henares ay hindi baguhan sa kawanihan, sapagka’t siya ay nanungkulang Deputy Commissioner simula noong Agosto 2003 hanggang Nobyembre 2005, kaya nang maluklok siya bilang tagapagpakilos ng Kawanihan ng Rentas Internas ay malinaw sa kanyang kaisipan ang tunay na larawan nito, at nabalangkas na niya ang isang palatuntunan tungo sa pagbabago sa pagpapahalaga (o values) ng mga pinuno at kawani ng Kawanihan ng Rentas Internas.
Katunayan nito, iniulat ni Henares na katatapos pa lamang ang kanilang dalawang-araw na Bureau’s Strategic Planning Session kung saan kanyang tinalakay ang halaga ng “instituting reforms in the BIR.” Ito ay ginanap sa kanilang National Training Center Auditorium sa Quezon City noong Pebrero 17-18, 2011l
Kaugnay ng paglalahad ng taunang kita na ang panahong itinatakda ng batas ay hanggang Abril 15, 2011 lamang, at pagkalipas nito ay lalapatan na ng multa ang mga mahuhuling maglalahad o magpa-file ng kanilang buwis sa kita, nagpaalaala si Commissioner Kim Henares na maglahad na kaagad, at huwag ng hintayin pa ang huling araw para rito. Ito ay upang makaiwas sa pakikipagsiksikan na karaniwang nangyayari sa mga nagsisipaglahad ng kanilang Income Tax Return sa pagtatapos ng itinatakdang panahon.
Ang mga accredited bank dito sa Laguna kung saan tuwirang ipa-file ang Income Tax Return ay ang Land Bank of the Philippines (LBP), Philippine Veterans Bank (PVB), Metropolitan Bank and Trust Company (MBTC), Security Bank (SBTC), Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC), United Coconut Planters Bank (UCPB), Bank of the Philippine Islands (BPI), China Banking Corporation (CBC), at Philippine Bank of Communications (PBCom). (Seven Lakes Press Corps).
Comments
Post a Comment