SAN PABLO CITY – Matapos mapansin na ang mga aktibong local mass mediamen o ang mga mamamahayag na may sinusulatang hometown newsweeklies at nagbu-broadcast sa mga community television ay hindi inanyayahan sa 2011 BIR Tax Campaign Kick-off na ginanap sa SM City San Pablo noong nakaraang Lunes ng tanghali, Pebrero 21, na personal na dinaluhan ni Commissioner Kim S. Jacinto-Henares bilang pangunahing tagapagsalita, kaagad pinulong ni City Administrator Loreto S. Amante ang mga kagawad ng Seven Lakes Press Corps, kasama ang kinatawan ng Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI)-San Pablo City Chapter, upang paglambingang suportahan ang kampanya ng Bureau of Internal Revenue na ang mga mamamayan ay magkaroon ng ganap na pagtitiwala sa kawanihan, sa pamamagitan ng maagang paglalahad ng kanilang buwis sa taunang kita o filing of Income Tax Return (ITR).
Naniniwala si Administrator Amben Amante na sa ilalim ng pamamatnugot ni Commissioner Kim Henares, na isang Balik-BIR, ay unti-unting nababago ang pagkilos ng mga tauhan na daan upang patuloy na pagtiwalaan ng mga mamamayan ang kawanihan, sapagka’t ang komisyon ay bumalangkas na ng palatuntunan tungo sa pagbabago sa pagpapahalaga (o values) ng mga pinuno at kawani ng Kawanihan ng Rentas Internas, ito ay laging pinapaksa sa mga pagsasanay at pakikipagtalakayan na isinasagawa ng mga commissioner sa mga pinuno at kawani ng kawanihan.
Ayon kay Amante, ang tagumpay ng BIR ay tagumpay ng pangasiwaang lokal, sapagka’t ang malaking bahagi ng gugulin ng isang yunit ng pangasiwaang lokal, kasama na ang antas ng barangay, ay mula sa tinatanggap na Internal Revenue Allotment (IRA), kaya seryoso siya sa paghiling sa mga local mediamen and publishers sa lunsod na ito na pagkalooban ng communication support ang mga gawain ng nabanggit na kawanihan.
Sa di-pormal na pakikipag-usap ni Administrator Amben Amante kay Commissioner Henares, kanyang nabanggit na sa lunsod na ito ay may 25 aktibong kaanib ang Seven Lakes Press Corps, at ang 16 sa 23 newsweeklies na inilalathala sa Lalawigan ng Laguna, na regular na lumalabas kada linggo, ay inilalathala dito sa Lunsod ng San Pablo. Kaya kanyang nabanggit na ang local mass media na naka-base sa lunsod na ito ay hindi dapat ipagwalang-bahala kung may ahensya ng pamahalaang nangangailangan ng suportang pangkomunikasyon. Ang ilang miyembro ng Seven Lakes Press Corps ay mga kinikilalang “advocacy journalist” o mga mamamahayag na ang tinatalakay ay ang kagandahan at kagalingan ng proyekto para ito ay maunawaan at mapahalagahan ng mga mamamayan, sa halip na ang pinupuri ay ang implementor ng proyekto, na napaghihinalaan tuloy na kumikita sa paggawain.. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment