Noong Hunyo 5, 1898, si Heneral Emilio Aguinaldo y Famy ay nagpatibay ng isang dekreto na nagtatakda sa Hunyo 12, 1898 bilang araw para sa pagpapahayag ng Kalayaan ng Pilipinas. Noon ay inatasan din niya ang kilalang kompositor na Caviteño na si Julian Felipe na maghanda ng isang tugtugin na iparirinig kaalinsabay ng pagpapahayag ng kalayaan. Noong Hunyo 11, matapos maiparinig ni Felipe ang tugtugin na may pamagat na “Marcha Filipina Magdalo” ay kaagad itong pinagtibay ni Aguinaldo at ng lahat pang lider na nakarinig nito, sa tagubilin din ng Pangulo ay inatasan ang Banda ng San Francisco de Malabon na ang tugtugin ay kabisahin, at sa dahilang ito ay tutugtuging kaalinsabay ng pormal na pagpapahayag ng kalayaan, ang pamagat nito ay pinalitan ng “Marcha Nacional Filipina (o Philippine National March)”
Ang ginawang pagpaparinig ng Banda de San Francisco de Malabon sa unang pagkakataon, na kaalinsabay ng pagwawagaway ng bandilang nilikha nina Marcela sa Hong Kong, noong Hunyo 12 ay nagbigay ng alab sa damdamin ng mga Filipinong sumaksi sa pagtitipon, at pagkalipas ng mahigit na isang taon, ang tugtugin ay nananatiling walang titik o liriko, kaya sa pagtatapos ng buwan ng Agosto noong 1899, isang kabataang kawal, si Jose Palma, na nakababatang kapatid ni Rafael Palma, ay sinulat sa eleganteng Castila ang tulang may pamagat na “Filipinas” na angkop sa tugtuging “Marcha Nacional Filipina” na nakapagpaalab ng pagkamakabayan at tapang sa pakikilaban ng mga mamamayang Pilipino.. Ito ang nagbadya ng ganap na pagkakaroon ng Republika ng Pilipinas ng isang opisyal na pambansang awit na nagbibigay dangal sa diwa ng lupang tinubuan.
Sang-ayon kay Konsehal Arnel C. Ticzon, kaugnay ng nalalapit na paggunita at pagdiriwang ng ika-113 Araw ng Kalayaan sa darating na Hunyo 12, 2011, at ika-150 kaarawan ni Dr. Jose P. Rizal sa darating na Hunyo 19, 2011, ay napapanahon na mapaalalahanan ang mga mamamayan na may umiiral na batas na nagtatakda ng mga kaasalan kung may isinasagawang palatuntunan ng pagtataas ng watawat, at ito ay ang Flag and Heraldic Code of the Philippines o Republic Act No. 8491.
Nakalulungkot ayon kay Konsehal Ticzon na maraming matatanda na nagsisipaghatid sa kanilang mga anak o apo sa paaralan, na kung inaabutan ang flag ceremony ay hindi nila ito pinapansin, at tuloy sa paglalakad, o hindi man lamang nag-aalis ng sombrero gaya ng kinakailangan. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment