- Ano ang Pantawid Pasada Card?
Ito’y handog ng ating pamahalaan bilang tulong sa mga lehitimong pampasaherong jeep at tricycle upang maibsan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Ang card na ito ay naglalaman ng Php 1050.00 na maaaring gamitin sa pagbili ng gasolina sa mga makikilahok na gasolinahan.
- Saan at kailan pwedeng makakuha ng card?
Sa May 2, 2011 magsisimula ang pamimigay sa National Capital Region (NCR). Ang distribution center para sa NCR ay sa Camp Crame Grandstand, Quezon City. Iaanunsyo ng DOE ang simula ng pamimigay sa ibang rehiyon.
- Ano ang kailangang dokumento para mabigyan ng Pantawid Pasada Card?
a. Orihinal at photocopy ng Confirmation Certificate mula sa LTFRB at
orihinal at photocopy ng isang valid ID (na may larawan)
b. Kung walang Confirmation Certificate, dalhin ang mga sumusunod:
1. Orihinal at photocopy ng Certificate of Public Convenience,(Decision/Order)
2. Photocopy ng OR/CR
3. Orihinal at photocopy ng isang valid ID (na may larawan)
- Pagkabigay ng card, maaari ko na ba itong magamit kaagad?
Pagkakuha ng card, mangyaring maghintay muna ng limang (5) araw bago ito gamitin. Ito ay upang bigyan ng panahon ang bangko upang i-load ang Php 1,050.00 sa card.
- Maaari ba itong magamit ng isang beses lang o dapat ay paunti-unti ang pagkonsumo sa load ng card?
Maaaring gamitin ang buong halaga na laman ng card sa pagbili ng petrolyo ng minsanan o paunti-unti depende sa inyong pangangailangan.
- Saan namin maaaring gamitin ang card?
Ang Pantawid Pasada Card ay maaring gamitin para bumili ng produktong petrolyo sa mga kalahok na gasolinahan. Magsadya lamang sa mga gasolinahan na may nakapaskil na “PANTAWID PASADA CARD ACCEPTED HERE.”
- Maaari ko bang gamitin ito sa pagbili ng iba pang produkto bukod sa gasolina?
Tanging mga produktong petrolyo lamang ang maaaring bilhin gamit ang Pantawid Pasada Card. Hindi po ito maaaring ibili ng iba pang produkto sa tindahan sa gasolinahan o ibang pamilihan.
- Paano gagamitin ang card?
Kapag magpapakarga sa gasolinahan, ipakita lamang ang card sa gasoline attendant at sabihin ang halaga na ipababawas sa card.
- Maaari ko bang gamitin ito sa lahat ng gasolinahan?
Ang paggamit ng Pantawid Pasada Card ay limitado lamang sa mga gasolinahang may Point of Sale (POS). Maghanap lang po ng gasolinahan na may POS o may nakapaskil na “PANTAWID PASADA CARD ACCEPTED HERE.”
- Maaari bang magamit sa ibang sasakyan ang card?
Ang Pantawid Pasada Card ay naglalaman ng impormasyon na partikular lamang sa naka-rehistrong jeepney na may plakang may numero na katumbas ng nakasaad sa card kung kaya’t hindi ito maaaring magamit sa ibang ng sasakyan.
- Bukod sa tulong ng pamahalaan, ano pa ang ibang gamit ng Pantawid Pasada Card?
Maaari ring gamitin ang card para makakuha ng ibang benipisyo katulad ng mga diskwento o promo ng mga kumpanya ng langis katulad ng kasalukuyang diskwento para sa mga jeepney ng P1.50 sa bawat litro ng diesel.
- Maaari ba itong magamit ng ibang tao?
Ang card ay maaaring gamitin ng ibang tao basta’t ang jeep na kakargahan ng produktong petrolyo ay may plaka na may numerong katumbas ng nakasaad sa card.
- Paano kung nawala ang card?
I-report kaagad sa DOE kung sakaling mawala ang Pantawid Pasada Card. Tumawag mga sumusunod na hotline: (02) 817-9877 o magtext sa Globe :0917-5560759; Smart: 0929-598-6649; Sun: 0933-365-2069 o di kaya’y magsadya sa tanggapan ng DOE.
Comments
Post a Comment