SAN PABLO CITY - Para sa pagkakaibigan, pagkakaisa at lalong mapalapit sa Diyos ang mga kabataan ng iba’t-ibang parokya sa Lalawigan ng Laguna, ang San Pablo Youth Commission (SPYC) ng Diocese of San Pablo ay nagsagawa ng 3-Day Diocesan Youth Empowerment Summer (YES) Camp.
Ang tatlong araw na youth camp na ginanap noong Abril 27-29, Miyerkoles hanggang Biyernes, sa San Marcos Elementary School sa Barangay San Marcos, lunsod na ito na nilahukan ng may 200 kabataan mula sa iba’t ibang parokya na nakatatag sa mga lunsod at munisipyo na bumubuo ng Lalawigan ng Laguna, na siya ring kabuuang hurisdiksyon ng Diyosesis ng San Pablo na opisyal na natatag noong Nobyembre 28, 1967.
Malugod na tinanggap ang mga delegado-kalahok ng San Marcos Lay Association sa pamumuno ng coordinator na si Mrs. Teotima Villapando at sa pamamatnubay ni Rev. Fr. Jerry Oblepias, kura paroko ng Parokya ng Del Remedio na nakakasakop sa San Marcos.
Ayon sa Facebook page na ‘Diocesan Youth Empowerment Summer (YES) Camp 2011’, ang bawat parokya ay pwedeng magpadala ng hanggang 12 aktibong kabataan sa event na ito at may registration fee na Php 500.00 per participant.
Ang Diocesan YES Camp ay may temang “Good Teacher, what must I do to inherit the eternal life?” na hinango sa aklat ng Marcos 10:17 ng Banal na Kasulatan o Bibliya.
Ang camp ay naglalaman ng apat na sesyon na hinati sa tatlong araw: Tuning up with Christ Activity (trip ko ‘to) sa pangunguna ni Brother Ryan P. Demesa bilang facilitator; Come and Follow Me (plenary) sa pamamatnubay ni Sister Rowena Naag, MSHFJ; The Way to Authentic Love (plenary) Activity: Tablet of the Commandments na ginab ayan ni Rev. Fr. Alex Pontilla; at Accepting the Challenge Activity: “Maramihang Patintero,” na pinangasiwaan ni Rev. Fr. Reginald Mamaril.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga kabataan na ipamalas ang kani-kanilang talento tulad ng pagsasayaw, pag-awit at pagtugtog ng mga instrumento sa “Gabi ng Kabataan” na naganap nang ikalawang gabi nila sa Diocesan YES camp. At ito rin ang naging pagkakataon upang maging magkakakilala ang mga kabataan.
“Ang Diocesan YES Camp ang pinakamalaki at ang puso ng lahat ng mga aktibidad ng Youth Ministry”, ayon kay Brother Ryan P. De Mesa, Diocesan Finance Officer ng SPYC, na syang YES Camp 2011 over-all coordinator.
Ang Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Youth (ECY) ang nagdeklara ng year of the youth na nagsimula noon pang December 16, 2010 at magtatapos sa December 16, 2011. Ito rin ang selebrasyon ng pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng ECY.
Ang Diocesan YES Camp ay kasunod ng kakatapos na fiesta ni San Marcos, patron saint ng barangay na napiling pagdausan ng YES camp. Layunin din ng Diocesan YES camp na mapalakas ang pananampalataya ng mga kabataan sa bawat parokya.
“Pagkalipas ng limang taon ngayon lang ulit nagkaroon ng Diocesan YES Camp ang mga parish youth dahil sa pagbabago sa leadership”, ayon kay Rev. Fr. Reginald Mamaril, Diocesan Youth Director na mula sa House of the Bishop. (DL/SP-Bagong Sinag/Zecher Nolasco)
Comments
Post a Comment