Sa pamamagitan ng isang kasunduan ng unawaan at pagtutulungan sa pag-itan ni Mayor Vicente B. Amante at pangasiwaang ng VYP-Management Systems Consultants Institute of Technology, Inc. ay itinatag ang MSC Barangay Scholarship Program para sa School Year 2011-2012, kung saan ang MSC Institute of Technology ay magkakaloob ng malaking bawas o discount sa bayaring matrikula o tuition fee sa mga may sapat na talinong mag-aaral mula sa mga pamilyang nangangailangan ng tulong na pinansyal mula sa alin mang barangay sa sakop ng Lunsod ng San Pablo sang-ayon kay Engr. Virgilio Y. Prudente, Pangulo ng paaralan.
Ang kaluwagang ipagkakaloob ay bawas na P5,000 sa kabuuang bayaran sa matrikula sa loob ng isang school year sa mga magpapatala sa high school, mula sa first year hanggang fourth year; at P5,000 bawas sa kabuuang bayarin sa matrikula sa loob ng isang taon sa mga kukuha ng two-year technical/vocational course na ang mga nakatatapos ay napagkakalooban ng pagkilala ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Lamang, kinakailangang ang estudyante ay napangangalagaan sila ay walang hulog o walang failing grade, at hindi nalalapatan ng kaparusahan sa paglabag sa mga kagandahang-asal bilang mag-aaral.
Ang pangangalilangan upang magtamo ng diskwento ay rekomendasyon ng punong barangay ng barangay na pinanahanan ng estudyante na may pagpapatibay ng punonglunsod o ng kanyang itinalagang kinatawan; report card; katibayang may magandang-asal mula sa punong guro ng paaralang pinagtapusan, at birth certificate.
Sa pakikipanayam kay Pangulong Ike Prudente, napag-alamang kanilang ipinagpapatuloy ang pagkakaloob ng scholarship discount , tulad ng automatic full or partial scholarship para sa mga mag-aaral na nagtapos na may karangalan sa elementarya at sekondarya o high school.
Para sa karagdagang impormasyon, ay maaaring magtanong sa tanggapan ni City Administrator Loreto S. Amante sa One Stop Processing Center, o sa tanggapan ng MSC Institute of Technology sa kahabaan ng Artemio . B. Fule Street, malapit sa sangay ng Planter Development Bank. (Ruben E. Taningco) .
Comments
Post a Comment