Siyam na porsyento ng manggagawa dito sa CALABARZON na may edad 15 pataas ay walang trabaho ayon sa resulta ng huling Labor Force Survey (LFS) na isinagawa ng National Statistics Office (NSO) noong nakaraang Oktubre 2010. Kumpara sa sitwasyon sa buong bansa, mas mataas ang porsyento ng walang trabaho dito sa ating rehiyon. Ang walang trabaho sa buong bansa ay umabot lamang sa halos 7 porsyento (7.1%). Dagdag pa dito, umabot sa mahigit 7 milyon o 19.6 porsyento ng may trabaho dito sa ating bansa ang tinatawag na underemployed o mga may trabaho na gusto pang magkaroon ng dagdag na trabaho para madagdagan ang kanilang kita. Umabot sa halos 50 porsyento (49.3%) ng mga nagnanais pang madagdagan ng oras ang pagtatrabaho ay nasa edad 15 hanggang 24 at marami (43.0%) sa kanila ay nabibilang sa sector na pang-agrikultura.
Ayon kay RD Rosalinda P. Bautista, mula ika-8 ng Abril hanggang katapusan ng buwan, ang NSO ay magsasagawa ng nasabing sarbey sa buong bansa. Ito ay isinasagawa ng ahensya kada kwarter upang mangalap ng impormasyon tungkol sa employment rate o porsyento ng may trabaho dito sa ating bansa. Bukod sa LFS, isinasagawa din ng ahensya ang Consumer Expectations Survey (CES) ngayong Abril 18 hanggang katapusan ng buwan. Ang resulta ng sarbey ay ginagamit ng Bangko Sentral ng Pilipinas o Central Bank upang malaman ang pananaw ng konsyumer sa kalagayang pang-ekonomiya ng bansa.
Ilan sa mga impormasyon na kinakalap dito ay kung ano ang opinyon ng konsyumer sa mga presyo ng mga bilihin; opinyon nila sa sitwasyong pinansyal ng kanilang pamilya; opinyon nila sa ekonomiya ng bansa, kung ito ay magiging maayos, sa pababa o pareho lang sa mga darating na buwan at sa buong taon at iba pang mga datos. Ang kabuuang resulta ng CES ay maari ninyong malaman sa website ng BSP sa www.bsp.gov.ph. At para sa karagdagang impormasyon tungkol sa LFS, magsadya sa opisina ng NSO Region IV-A sa Ground Flr. Bldg. C Fiesta World Mall, Maraouy, Lipa City o tumawag sa numero (043) 756-0412 o 404-1928. (NSO IV-A/C O Bautista)
Comments
Post a Comment