Ngayong buwan ng Abril hanggang Hunyo, ang Pambansang Tanggapan ng Estadistika o National Statistics Office (NSO) ay nagsasagawa ng malawakang sarbey ng mga establisimyento. Ito ay ang 2010 Annual Survey of Philippine Business and Industry (ASPBI). Ayon kay Regional Director Rosalinda P. Bautista, ang sarbey ay naglalayong mangalap ng impormasyon tungkol sa lebel, istruktura at takbo o trend ng ekonomiya ng ating bansa ng nakaraang taon (2010). Ang resulta ng sarbey ay magiging basehan sa pagsukat ng ating mga national at regional accounts o mas kilala sa tawag na Gross National Product (GNP), Gross Domestic Product (GDP), Gross Regional Domestic Product (GRDP) at iba pa. Ito ay basehan din sa paggawa ng mga estratehiya para mapalago ang ekonomiya ng ating bansa at upang malaman ang epekto sa ekonomiya ng mga ginawang polisiya/plano ng gobyerno para maabot ang ating pambansa at rehiyonal na mithiing pang-ekonomiya. Ang mga establisimyento ang pagkukunan ng mga impormasyong tulad ng kanilang pangunahing aktibidades na pang-ekonomiya (may pinakamalaking kita) at iba pang pangsekundaryang gawain, organisasyong kinabibilangan (i.e. single establishment, branch, main office etc.), organisasyong legal (i.e. single proprietorship, partnership etc.), bilang ng empleyado, kaukulang sahod ng mga empleyado, kita at gastos ng establisimyento at iba pang datos.
Kasabay ng 2010 ASPBI, ang isa pang (rider) sarbey, ang 2010 Survey on Information and Communication Technology (SICT). Ang SICT ay mangangalap ng impormasyon tungkol sa pagkakaroon o paggamit, distribusyon at utilisasyon ng mga negosyo at industriya ng teknolohiya sa impormasyon at komunikasyon o ang tinatawag na information and communication technology (ICT). .
Upang mas mapabilis ang pangangalap ng mga impormasyong kailangan sa sarbey, ang mga sample na establisimyento ay maaring gamitin ang electronic questionnaire o e-questionnaire. Ito ay maaari nilang makuha o ma-download sa website (www.census.gov.ph) ng NSO at iyon na lamang ang kanilang lagyan ng mga hinihinging impormasyon. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa sarbey ay maaring magsadya sa opisina ng NSO Region IV-A sa Ground Flr. Bldg. C Fiesta World Mall, Maraouy, Lipa City o tumawag sa numero (043) 756-0412 o 404-1928. (NSO-IV-A/C. O. Bautista)
Comments
Post a Comment