Sa pamamagitan ng isang counter-affidavit na nilagdaan at inilahad sa Office of the City Prosecutor noong nakaraang Martes, Abril 26, 2011, ay pinabulaanan ni G. Illac Diaz, na nagpahayag na siya ang executive director ng My Shelter Foundation, isang non-stock non-profit organization na nakatala sa Securities and Exchange Commission (SEC), ang mga alegasyon ni Bokal Angelica B. Alarva na siya ay bumigkas ng mga mapanirang salita nang sila ay magkatagpo sa pinagtatayuan ng isang “Proposed 8-classroom schoolbuilding sa Barangay San Jose noong isang araw ng Biyernes, Marso 11, 2011.
Inilahad ni Diaz sa kanyang pinanumpaang salaysay na ang tangi niyang hangad sa pakikipagkita kay Alarva ay upang kuhanin ang resibo opisyal sa kanyang pagkatanggap ng halagang P500,000 na ipinagkaloob ng Diversy Corporation noong Disyembre 7, 2010, gayon din ng mga kasulatang legal sa pagkatanggap ni Alarva ng 1,200 bag of cement na tinatayang nagkakahalaga ng P200,000. Hindi pa rin nagpapakita umano si Alarva ng mga resibo para sa mga biniling construction supplies mula sa Cyren Builders and Construction Supplies na umaabot sa kabuuang halaga na P499,865.00, at kung sino ang tumanggap nito.
Katunayan nito, wala umanong makapagturo kung saan naroroon ang tanggapan at tindahan ng Cyren Builders and Construction Supplies.
Nakalahad sa counter-affidavit ni Diaz na ang lahat ng ginagawa niyang paghiling na ipakita ni Alarva ang mga resibo o mga kasulatang legal na magpapatunay sa tamang paggugol ng foundation ay sa pamamagitan ng registered mail with return card, at ang lahat niyang sulat ay hindi tinutugon ni Alarva.
Naninindigan si Illac na siya ay “sibil” sa pakikitungo kay Alarva.
Sa mga kasulatang inilahad sa Tanggapan ng Tagausig ng Lunsod, napagkuro na ang pagpapatayo ng may-walong silid na gusaling pampaaralank, na tinatawag na “San Pablo Bottle School Project (BSP), ay tinatayang magkakahalaga ng P2.880,000.00 kung saan ang P2,400,000.00 ay iilakin ng My Shelter Foundation, at ang P480,000.00 ay itutulong ng Provincial Government of Laguna sa pamamagitan ni Gobernador Jeorge ER Ejercito Estregan. Ang loteng patatayuan ay tulong ng City Government of San Pablo.
Samantala, isang kilalang legal practitioner sa Santa Cruz, na sa dahilang nang magpatawag si Bokal Angelica Jones Alarva ng press conference sa Maynila ay nakaladkad niya ang pangalan ng Sangguniang Panglalawigan, at maging ang pangalan ng Punonglalawigan na nagpahayag ng kahandaang tumulong upang matapos ang natatanging gusaling pampaaralan, ay nararapat na ang Ethics Committee o kung aling mang angkop na komite ng sanggunian, ay magsiyasat, upang alamin ang katotohanan sa likod ng pagpapatayo ng San Pablo Bottle School Building, sapagka’t ang pondong inilaan dito ay masasabing public fund, sapagka’t ang mga donasyon sa My Shelter Foundation ay tax deductable o ang katumbas na halaga ay binabawas sa bayaring buwis ng nagdonasyon sa Bureau of Internal Revenue. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment