Sa pakikipanayam ni Rural Broadcaster Adolfo “Gerry” Geronimo ng Palatuntunang Pangtelebisyon na Ating Alamin, sa mga hog producer sa Lunsod ng San Pablo kamakailan, kanyang nabanggit na ang National Swine and Poultry Research and Development Center ng Bureau of Animal Industry na naka-base sa Tiaong, Quezon, na sa tagubilin ni Agriculture Secretary Proceso J. Alcala, ay nagsasakit na muling mapasigla ang pagpaparami ng mga kinikilalang katutubong lahi ng baboy o native pig, na ang pagkain ay organiko at hindi ginagamitan ng agricultural chemicals upang maging malulusog at malalaki.
Ito ay pagtanggap sa katotohanan na higit na angkop sa panglasa ng mga Pilipino ang katutubong baboy, kaysa mga baboy na ang lahi ay pinaunlad sa ibang bansa, lalo na kung ito ay lilitsunin.
Ayon kay Ka Gerry, ang “katutubong baboy” ay hindi ang “baboy damo” o wild pig, kundi iyong mga baboy na tradisyonal na inaalagaan sa mga kanayunan noon, na, kung pinakakain man ng mga tirang pagkain sa bahay at tirang ani sa bukid, ay karaniwang ito ay paligaw at ang malaking bahagi ng pagkain ay sariling hanap sa bakurang kanilang ginagalaan.
Maaari rin namang ito ay inaalagaan sa loob ng isang malaking kulungan na ang ipinakakain ay mga lamang ugat, tulad ng gabi, kamoteng kahoy, pungapong, at kamoteng baging at amlay nito. Ito ay hindi rin nangangailangan ng bubong na sinisilungan at karaniwang matatag ang kalusugan kahit na pabago-bago ang panahon.
Subali’t ang ipinapapansin ni Ka Gerry ay ang desinyo ng koral o kulungan ng baboy na pinag-aalagaan ng mga katutubong baboy. Ayon sa producer ng kilala at pinakamatagal na sa himpapawid ang palatuntunan sa paghahalaman at paghahayupan sa bansa ay payak, sapagka’t ito ay simpleng lupa na nilatagan ng bualaw ng palay (rice hull), coir dust, o kusot ng pinagkataman, na may kapabalantay na concrete wallow pond o kongkretong tanke na ang lalim ng tubig ay mula sa apat hanggang anim na pulgada. Sa ganitong desinyo ng koral o pigpen ay hindi pinagmumulan ng masangsang na amoy, at tulad ng karanasan ng mga tumulad na mga nagsisipag-alaga ng baboy sa Lipa City, ay maaaring magpiknik sa bakuran ng babuyan, sapagka’t walang langaw at masamang amoy.
Sa koordinasyon ni City Agriculturist Alex B. Dionglay, dumalaw si Ka Gerry sa Lunsod ng San Pablo kaugnay ng pinalalaganap niyang “Profitable Indigenous Growing System (PIGS) sa pagtangkilik ng ProNatural Feeds Corporation, o pagsasagawa ng “Ating Alamin Hog Raising Seminar” na ang tuwirang paksa ng talakayan ay “Babuyang Walang Amoy.” (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment