SAN PABLO CITY - Nananawagan si Alkalde Vicente B. Amante sa pakikiisa ng lahat na lumahok sa Earth Hour 2011 na nakatakdang isagawa sa darating na Marso 26, 2011 , araw ng Sabado, na pagpapatay ng lahat ng kagamitang pinatatakbo ng kuryente sa loob ng isang oras, mula sa ganap na ika-8:30 hanggang ika-9:30 ng gabi.
Ang dapat patayin ay ang lahat ng mga hindi kinakailangang ilaw, at mga kagamitang tulad ng refrigerator, bentilador, telebisyon, at iba’t ibang uri ng laruan.
Sa isang komunikasyong tinanggap ni Alkalde Vicente B. Amante, napag-alamang ang Earth Hour 2011 ay isang pandaigdigang kaganapan na inorganisa ng World Wide Fund for Nature (WWF) na sabay-sabay na pagpapatay ng ilaw at iba pang kagamitang de-kuryente sa loob ng isang oras sa huling araw ng Sabado sa buwan ng Marso upang maitaas ang antas ng kamalayan ng lahat sa halaga ng pagkakaroon ng tamang aksyon na may kaugnayan sa pagbabago ng kalalagayan ng kapaligiran o climate change.
Ang Earth Hour ay nagsimula noong Taong 2007 sa Sydney, Australia n gang may 2.2-milyong mamamayan, at mahigit sa 2,000 mga bahay-kalakal ay sabay-sabay na pinatay ang kanilang mga ilaw sa loob ng isang oras, na ng sumunod na taon, ang pagpapatay ng ilaw ay naging isang pandaigdigang kaganapan ng sabay-sabay na pagpapatay ng ilaw na tinatayang nilahukan ng maging sa 50-milyong katao mula sa 35 lumahok na bansa.
Kaugnay nito, inatasan ng punonglunsod ang City Environment and Natural Resources Office, at ang City Information and Barangay Affairs Office na magtulungan upang mahikayat ang mga mamamayan na makilahok sa palatuntunang ito ng sabay-sabay na pagpapatay ng ilaw, mula sa ika-8:30 hanggang ika-9:30 ng gabi sa Marso 26. (Ruben E. Taningco) .
Comments
Post a Comment