San Pablo City – Napagtibay na ng Sangguniang Panglunsod sa pangunguna ni Vice Mayor Angilita E. Yang matapos ang matamang pag-aaral at palitan ng kuro-kuro ang ordinansang inakda at isinulong ni Konsehal Rondel Diaz na may titulong “An Ordinance Prohibiting Traditional Birth Attendants (Hilots) to Attend Home Deliveries and Regulating their Practices on Maternal, Neonatal and Child Health And Nutrition Program (MNCHN) of The City Of San Pablo” noong Marso 1 sa ika- 35 Regular Session ng sanggunian..
Ang naturang ordinansa ay batay sa mungkahi at kahilingan ni City Health Officer Dr. Job D. Brion na may pangunahing layunin na maprotektahan at mapangalagaan ng wasto ang lahat ng mga buntis gayundin ang mga dinadala nitong sanggol laban sa mga hindi lisensyadong magpapaanak na madalas nagbubunga ng kumplikasyon o di kaya’y kamatayan sa alin man sa mag-ina o kapuwa na.
Pinagpasalamat naman ni Dr. Brion na agad nabigyan ng pansin ng pamunuan ng Sangguninang Panglunsod ang kanilang matagal tagal na ring isinusulong na panukala ukol sa isang komprehensibong proseso ng pagpapaanak dito sa Lunsod. Ang naturang Ordinansa ay siya ring susuporta sa programang “Oplan Hanap Buntis” na inilunsad ng kanilang tanggapan na siyang nagsasaayos ng maternal health system sa lunsod.
Malaki naman ang paniniwala ng mga miyembro ng Sangguniang Panlunsod na sa pamamagitan ng bagong naipasa nilang ordinansa ay mababawasan ang maternal mortality rate ng lunsod at lalong mapapangalagaan ang kalusugan ng mga ito gayundin ng kanilang mga supling.
Agad naman pinarating nina Mayor Vicente B. Amante at City Administrator Loreto “Amben” S. Amante ang kanilang pasasalamat sa mga miyembro ng SP sa suportang ibinibigay ng mga ito sa mga inilulunsad ng ehekutibong sangay na mga programang pangkalusugan. Ayon kay City Admininistrator Amben malaking bagay ang naipasang ordinansa upang ganap na mabigyan ng proteksyon ang lahat ng mga buntis na siyang nagdadala ng mga bagong pag-asa para sa Lunsod ng San Pablo. (CIO-San Pablo City)
Comments
Post a Comment